Ni Pol Montebon
OPISYAL na ibinigay ng Department of Public Works and Highways o DPWH sa Parañaque City Government ang labing apat na 40 footer container vans na magagamit bilang quarantine facility para sa tinamaan ng COVID-19.
Katuwang ang National Action Plan Against COVID-19, tiniyak nito na marami pang pasilidad ang sunud-sunod na itatayo sa iba’t-ibang lokal na pamahalaan sa Metro Manila kasabay din sa mga isinasagawang mga isolation centers sa buong bansa kung saan naitatala ang matataas na kaso ng coronavirus disease 2019.
Ang bawat container van ay mayroong apat na kwarto na may kumpletong kagamitan gaya ng hospital bed, toilet, airconditioning unit at sariling mesa.
Pero bago nito, una nang ginawang pasilidad ang Parañaque City College na may 94 kataong inaalagaan ngayon ng tatlong nurses at isang doktor.
Nauna nang inihayag ng pamunuan ng Inter Agency Task Force katuwang ang National Action Plan against COVID-19 na ginagawa ang mga pasilidad na ito upang magsilbing alternatibong lugar para sa mga pasyenteng tatamaan ng COVID-19 lalo pa at nagkakaubusan na rin ng bakanteng lugar sa mga itinalagang ospital sa bansa na mangangalaga sa mga maapektuhan.