Ni Melrose Manuel
IMINUNGKAHI ni Quezon City Rep. Alfred Vargas na ituon sa skills program ang education budget na nagkakahalaga ng P754.4 billion para sa 2021 lalo na ngayong may pandemya.
Ayon kay Vargas na isa rin sa mga Vice Chairman ng House Committee on Appropriations, dapat baguhin na ang prayoridad ng pagtuturo sa senior high school at higher education institutions at ituon ito sa technical-vocational courses para maka-adapt sa “new normal” ang mga bata.
Giit ni Vargas, ngayong napilitan ang lahat na baguhin ang kanilang business models, hindi na sapat ang diploma para makapaghanap buhay.
Dapat aniya ay sapat ang kapasidad o skills ng mga estudyante na hihimok naman sa mga employer sa loob at labas ng bansa na sila ay kunin sa trabaho.
Kabilang aniya sa mga skills na maaaring pag-aralan ng libre sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA ay ang welding, masonry, carpentry at plumbing dahil inaasahang sisigla ang demand sa construction pagkatapos ng pandemya.
Bukod sa skills sa construction, may digital skills din na puwedeng pag-aralan nang libre sa TESDA gaya ng coding, web development, digital marketing at iba pa.