Ni Cresilyn Catarong
TINATAYANG nasa siyam na libong trabaho ang malilikha sa oras na masimulan na ang paghuhukay sa proyektong Metro Manila Subway ng pamahalaan.
Ito ay ayon sa impormasyong nakuha ni Presidential Chief Legal Counsel Atty. Salvador Panelo mula kay Department of Transportation Secretary Arthur Tugade.
Sinabi ni Panelo na nine thousand slots ang kailangan ng DOTr upang mabuo ang workforce ng Filipino-Japanese Joint Venture na proyekto.
Dagdag pa ni Panelo, direct hiring aniya ang mangyayari sa pagkuha ng mga tao para sa naturang project.
Buwan ng Enero sa susunod na taon, inaasahang darating sa bansa ang isa sa dalawang tunnel boring machine na siyang maghuhukay sa ilalim ng lupa.
Darating naman ang ikalawang makina sa Pebrero at magmumula rin sa Yokohama, Japan.
Nauna nang tiniyak ni Sec. Tugade na itutuloy nila ang pagsasagawa ng kauna-unahang underground rail system sa Pilipinas sa kabila ng mga hamon at impact na dulot ng COVID-19 pandemic.
Target namang makumpleto ang partial operability section ng P357-bilyong halaga ng Metro Manila Subway hanggang sa Disyembre 2021.
Muli ring tiniyak ng pamahalaan sa publiko na ang subway stations na itatayo nila ay flood-free.
Ang proyekto ay gagamit ng kahalintulad ng teknolohiya na ginamit sa pag-develop ng kahalintulad na sistema sa Japan.
Layon ng Metro Manila Subway Project na mabawasan ang oras ng biyahe mula sa Valenzuela Depot patungong NAIA Terminal 3 ng hanggang 45 minuto lamang mula sa dating isa at kalahating oras.