Ni Jonnalyn Cortez
PRIDE, ano nga ba ang ibig sabihin nito? May maganda ba itong epekto sa pagkatao natin?
Ang pride ay isang pakiramdam ng pagiging proud sa sarili – sa mga bagay na iyong natamo o nagawa. Masasabing okay lang naman ito. Ngunit pag sumobra, kaya nitong sumira ng relasyon at pagsasama.
Napakaikling salita ngunit napakabigat ng kahulugan.
Ang pride ay parang isang malaking pader na naghihiwalay sa taong puno nito. Pag mataas ang iyong pride, malamang na hindi mo kayang ibaba ang iyong sarili sa lebel ng iba. Takot kang aminin ang iyong pagkakamali. Ipagtatanggol mo ang iyong sarili kahit hindi ka sigurado kung tama ka. Naniniwala kang walang hihigit sa’yo. Sa bandang huli, ikaw din ang masasaktan at makakasakit ka pa ng iba, kabilang na ang mga taong nagmamahal at minamahal mo.
Ano nga ba ang tamang gawin upang maiwasan ang pagiging puno ng pride?
Lahat ng tao ay may pride. Lahat naman tayo ay ayaw mapahiya. Gusto natin maganda ang tingin sa atin ng iba. Ngunit hanggang saan ito?
Ang bawat isa sa atin ay kailangang matutunan kontrolin ang ating emosyon. Kailangan alam natin kung kailan lang tayo dapat magsalita at gumawa ng aksyon. Huwag magpadalos-dalos. Pag-isipang mabuti ang mga gagawin at sasabihin. Huwag masyadong mataas. Matutong intindihin at unawain ang iba. Tumanggap ng pagkakamali.
Napakadaling sabihin lahat ng ito ngunit mahirap gawin. Ngunit para sa ikabubuti ng marami, siguradong kaya mong sundin ang mga ito upang magkaroon ng mas maayos at masayang relasyon sa kapwa tao.