
Ni Cresilyn Catarong
PINAG-USAPAN na ng Inter-Agency Task Force on the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang panukalang i-exempt ang nurses at iba pang medical workers na may kontrata na nilagdaan as of August 28.
Ito ay ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ngunit kinakailangan munang konsultahin si Pangulong Rodrigo Roa Duterte hinggil sa naturang apela.
Ani Roque na hindi nila pangungunahan ang pasya ng Punong Ehekutibo sa naturang usapin, lalo pa’t ang pag-i-impose ng moratorium sa deployment ng health workers ay desisyon ni Pangulong Duterte.
Kung maalala, nananawagan ang nurses at mga doktor na payagan silang makalabas ng bansa, kung naayos naman na nila ang kanilang mga papeles bago ang ika-28 ng Agosto.
Sa ngayon, tanging ang health care workers na may existing employment contracts “as of March 8, 2020” ang pinahihintulutan lamang na magtrabaho sa ibang bansa.
Ito’y dahil ang Pilipinas bilang key exporter ng nurses at iba pang medical workers, ay nagpapanatili ng reserve force upang malabanan ang pandemyang COVID-19.
Kaugnay nito, isinumite na ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang kanyang rekomendasyon sa IATF upang payagan ang mga medical worker na makapag-trabaho abroad.
Ito nga ay kasunod ng apela ng mga nurse at medical worker.
Inihayag pa ni Bello na kasama niya sa rekomendasyon ang POEA.
Dapat umanong hindi masakop ng deployment ban ay ang mga nakakumpleto na ng kanilang overseas requirements hanggang Agosto 31.