Ni Kristine Joy Labadan
MAAARING narinig mo na ang magandang epekto ng kaunting stress sa sarili. Kung hindi sobra, ito’y maaaring makatulong pa upang maging produktibo nang buong araw sa trabaho.
Habang mabuti ang pagiging produktibo, sa pagtatapos ng araw, mas masarap pa rin sa pakiramdam at nakakabuti sa kalusugan ang pagpapahinga. Basahin ang mga susunod na paalala upang matamo ang tamang balanse na dulot ng pagpapahinga at konting “stress” sa ating pang araw-araw na pamumuhay.
Pinuprotektahan ang iyong puso
Marahil ay may nabatid ka na rin patungkol sa stress na may seryosong epekto sa iyong kalusugan katulad ng mataas na presyon sa dugo, atake sa puso at iba pang problema sa puso at sa pag-iisip.
Habang hindi sigurado ang mga mananaliksik sa rason kung bakit, iisa naman ang kanilang solusyon para dito at yun ay ang pagpapahinga alang-alang sa ‘yong puso at mental na kalusugan.
Nailalayo ka sa depresyon
Ayon sa Time.com, ang pang-matagalang stress ay nagdudulot ng mga makapaminsalang selula sa utak, dahilan para hindi makagawa ng mga bago at malusog na selula. Ang matagal na pananatili o pag-ipon sa katawan ng stress hormone na tinatawag na cortisol ay nakakabawas din sa lebel ng serotonin at dopamine na maaaring magdulot ng depresyon ng isang tao.
Nakakagawa ng mas maayos na mga desisyon
Hindi na kagulat-gulat na dahil sa sobrang stress ay maaaring makagawa ang isang tao ng mga desisyon na hindi masusing napag-isipan. Ang napagtutuunan ng pansin sa ganitong pagkakataon ay ang positibong epekto ng desisyon at hindi ang probabilidad ng mga negatibong resulta, base kay Mara Mather Ph.D., propesor sa unibersidad ng Southern California.
Pag-isipan ang mga bagay na ito, ibahagi sa iba kung saan ang pinaka-sentrong ideya ng mga benipisyong ito ay ang paglalaan ng oras para sa sariling kapakanan at pinakamahalaga rito ay ang pagpapahinga.