Ni Melrose Manuel
IPINASISIBAK na ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang lahat ng personnel na sangkot sa umano’y despedida party para sa isang dating Batangas City fire marshal.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya, ipinag-utos ni BFP Chief Jose Embang Jr. ang pagsibak upang bigyan-daan ang isinasagawang imbestigasyon ukol sa insidente.
Nag-isyu rin aniya ang BFP ng show cause order laban sa lahat ng BFP personnel na sangkot sa umano’y mass gathering dahil sa paglabag sa IATF guidelines.
Sinabi ni Malaya na inatasan na ang BFP IAS at RO4A na magsagawa ng masusing imbestigasyon at agad isumite ang kanilang findings sa DILG.
Batay sa ulat, isinagawa ang despedida party para sa noo’y outgoing Batangas City Fire Marshall Elaine Evangelista noong Agosto 21 sa isang hotel and restaurant sa lugar.
Dinaluhan ang nasabing event ng mga tauhan ng Batangas City Fire Station na nakunan sa camera na nagsasayaw na walang masks at hindi ipinatutupad ang social distancing.
Dagdag pa ni Malaya, binawi na ni Embang ang bagong assignment ni Evangelista bilang chief ng Biñan Fire Station.