Ni Cresilyn Catarong
INIHAYAG ng tagapagsalita ng DOH na suportado pa rin ng buong kagawaran si Health Secretary Francisco Duque sa kabila ng lumalakas na panawagan para sa pagbibitiw nito sa pwesto.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isinagawang ‘DOH beat COVID-19 media forum kung saan kuntento sila sa pamumuno ni Duque lalo na pagdating sa pagresponde nito sa COVID-19 pandemic.
Aniya “ang buong kagawaran ng kalusugan ay nasa likod nya, we are supporting him. He has given us direction and leadership para sa response na ito.”
Sinabi pa ni Vergeire na patuloy na magtatrabaho si Duque hangga’t sinasabi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magtrabaho ito sa ahensya.
“The secretary always serves the pleasure of the president. As long as he press still trust him and tells him to continue with his work, he will continue his work. He has been steadfast, in saying na siya ay magtatrabaho, hanggang sinasabi pa ng presidente na magtrabaho siya,” dagdag pa ni Vergeire.
Umaasa naman si Vergeire na hindi na magkaroon ng mga ganitong pananaw, bagkus, dapat magkaroon ng unified support para sa lahat ng namumuno sa paglaban sa pandemya.
Ito’y upang lalo pang mapag-ibayo ang pagtugon ng bansa sa COVID-19 pandemic.
Matatandaan naman na isa sa mga rekomendasyon ng mga senador ay palitan na ang health secretary.
Inirekomenda rin ng Senate Committee of the Whole ang pagsasampa ng kasong administratibo, malversation at graft and corruption kay Duque at iba pang matataas na opisyal dahil sa kwestiyunableng paglalabas ng pondo ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM).
Hinikayat ni Senate President Vicente Sotto III si Pangulong Rodrigo Duterte na basahin ang findings ng senado sa halip na pakinggan nito ang mga dahilan o “excuses” ni Secretary Duque.
Inihayag naman ng Malakanyang na nirirespeto nito ang lumabas na senate report.
Sa pinakahuling ulat ni Pangulong Duterte, pinayuhan niya si Secretary Duque na huwag magresign sa pwesto at sinabing nananatili pa rin ang tiwala niya sa kalihim. Nagpasalamat naman si Duque sa tiwala ng Pangulo.