Ni Margot Gonzales
IBINULGAR ni Senador Bong Go na apektado na si Health Sec. Francisco Duque sa mga kontrobersiyang kinakaharap nito.
Ayon kay Go nangingiyak na ang health secretary at gusto nang magbitiw sa puwesto.
Ito ay matapos na pagtibayin ng Senado ang rekomendasyon ng Committee of the Whole noong Lunes ang paghahain ng mga kaso laban sa kalihim, dating PhilHealth Chief Ricardo Morales at iba pang mga opisyal ng ahensya.
Pero matatandaan sa kabila nito ay pinayuhan ni Pangulong Duterte ang kalihim sa isang televised speech na huwag magresign sa pwesto.
Sinabi naman ni Go na ipinauubaya na nito kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kahahantungan ng kalihim kahit sang-ayon ito sa karamihan na rekomendasyon na nakasaad sa Senate Committee of the Whole Committee Report hinggil sa ginawa nilang pagdinig laban sa PhilHealth.
Kailangan din aniyang respetuhin ang pangulo sa kaniyang opinyon kay Duque na kung saan ay buo pa rin ang tiwala at kumpyansa nito sa kalihim.
Pagdating naman sa mga paratang na ibinabato sa kalihim ay mas mainam ayon sa senador na hintayin muna ang resulta ng imbestigasyon ng Task Force PhilHealth.
At kung lalabas na dawit nga ang kalihim sa kurapsyon ay kailangan niyang lisanin ang kaniyang pwesto ayon kay Go.
Matatandaan naman na isa sa mga rekomendasyon ng mga senador ay palitan na ang health secretary.