EDITORIAL
SA gitna ng krisis dulot ng COVID-19 pandemic, aminado ang pamunuan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na apektado na ang koleksyon ng mga kontribusyon ng mga miyembro. Batid ni Rey Balena, senior manager ng corporate communications ng PhilHealth na may pagaagam-agam na ang mga miyembro sa pagbabayad ng naturang mga kontribusyon dahil sa bumabalot na anomalya na kagagawan umano ng “mafia” sa loob ng ahensya.
Nabunyag sa Senado at sa Mababang Kapulungan ang mga alegasyon ng pangungurakot ng ilang opisyal ng PhilHealth sa pondo na para sa pagpapagamot at iba pang pangangailangang medikal ng mga Pilipino, lalo na yaong mga mahihirap, sa ilalim ng Universal Health Care Act. Pero batay sa mga hearing ng Kongreso, lubhang malaking halaga na pala ang nakukulimbat ng sindikato sa loob ng PhilHealth, na umabot na sa PHP 15 bilyon.
Hindi lamang kontribusyon ng mga miyembro ang nakukurakot ng mafia sa ahensya. Matatandaan na ipinasa ng Kongreso ang TRAIN Law, na nagtaas ng buwis sa sigarilyo at inuming may asukal pandagdag pondo rin sa PhilHealth dahil pinapalawig ng Universal Health Care Act ang coverage ng medical consultation at mga karagdagang benepisyo para sa lahat. Ang tanong ngayon: Paano kaya ito maisasakatuparan kung paubos na ang pondo?
Ibinunyag ni PhilHealth Acting Senior Vice President for Actuarial Services Nerissa Santiago, dahil sa malaking pagkalugi ng PhilHealth sa mga nakalipas na taon, maaaring mabangkarote ito pagsapit ng 2022. At tanging karagdagang pondo lamang mula sa pamahalaan ang makasasalba sa ahensya.
Matatandaan din na ngayong taon ay itinaas ng PhilHealth sa 3 porsiyento ang kontribusyon ng mga miyembro sa bansa at ng mga Overseas Filipino Workers. Bagay na inaalmahan ng ating mga “Bagong Bayani” dahil dagdag pasakit umano ito sa kanila, na karamiha’y breadwinner ng pamilya.
Kung tutuusin, hindi naman sana malaking isyu para sa miyembro ng PhilHeath na dagdagan ang kanilang ambag dahil batid nila ang malaking kahalagahan ng health insurance sa oras ng pangangailangan. Subali’t sa tuwing marinig ang pandarambong ng mga opisyal sa pondong ikinakaltas mula sa sweldong pinaghirapan, ‘di maiiwasang makaramdam sila ng pagkabwisit at panghihinayang.
Sa kanyang public address, inanunsyo ni Pangulong Duterte na gugugulin niya ang nalalabing panahon ng kanyang termino para linisin ang maitim na mantsa ng PhilHealth. Tiniyak din ng Department of Justice na masusing iimbestigahan ang anomalya. Subali’t sa gitna ng magkabi-kabilang imbestigasyon, nagresign ang ilang top official ng PhilHealth, kabilang si Ricardo Morales, na president at CEO. Siya ay pinalitan ni dating National Bureau of Investigation director Dante Gierran, na nangakong lilinisin ang ahensya — kahit aminadong walang karanasan sa health service. At ito ay sisimulan niya sa pagsibak sa mga regional vice president ng ahensya, alinsunod sa kagustuhan ng Pangulo.
Giit ng taongbayan, hindi dapat matuldukan sa resignation at balasahan ng pwesto ang kontrobersya. Kailangan papanagutin sa batas ang mga lumustay sa kaban ng bayan upang matiyak na sa hinaharap ay hindi na magiging gatasan ng sinoman ang pondong inilalaan para sa kalusugan ng sambayanan.