Ni Jun Samson
IPINANUKALA o naniniwala si Health Secretary Francisco Duque III na kailangang magkaroon ng fixed term ang presidente at Chief Executive Officer ng PhilHealth at limitahan ang pagiging bahagi ng DoH Secretary sa ahensya na dapat ay maging ex-officio member na lamang.
Nakasanayan na kasi sa mga nagdaang administrasyon na bukod sa presidente at CEO ay kabilang din ang mga opisyales sa PhilHealth tulad ng mga senior vice president, mga regional vice president at iba pa sa mga nanunungkulan o nakaupo sa pwesto ng humigit-kumulang sa dalawampung taon.
Marahil ay layunin ng nasabing panukala na maiwasan ang familiarization. Kapag sobrang tagal na kasi sa pwesto ay tumataas ang posibilidad na magkaroon ng pagsasabwatan ng PhilHealth official at mga private hospital at duon na raw pumapasok ang korapsyon.
Maganda sana ang panukala ni Duque kaya lang ay bakit kaya ngayon lang niya isinulong ang kanyang intensyon? Ngayon na kasabay pa ng ginagawang imbestigasyon ng task force sa sinasabing anomalya o katiwalian sa PhilHealth.
Si Duque ay muling nabanggit at idinadawit din siya sa umano’y talamak na katiwalian. Inamin naman ni Duque na nasaktan siya at kanyang pamilya dahil sa pagtawag sa kanya bilang godfather o padrino ng umano’y mafia sa PhilHealth.
###########
PINUNA ng Task Force PhilHealth ang mababang bilang at mabagal na prosekusyon ng mga kaso na hinahawakan ng legal sector ng PhilHealth Insurance Corporation o PhilHealth.
Lumitaw kasi sa pagdinig ng Task Force PhilHealth na libo-libong kaso laban sa mga umano’y mga tiwaling empleyado at healthcare institutions ang hindi pa naisasampa sa mababang korte.
Kinumpirma pa ng nag-resign na si Senior Vice President for Legal Sector Atty. Rodolfo Del Rosario, Jr. na libo-libong administrative cases laban sa mga empleyado ng PhilHealth ang nakita sa case inventory pero 70 kaso lamang ang naiproseso dito at 50 lamang ang nagkaroon ng resulta o pormal na nakasuhan sa korte.
Magugunitang binigyan ng zero rating ng Governance Commission for Government-Owned and -Controlled Corporations ang Legal Sector ng PhilHealth sa evaluation noong 2017 at 2018 dahil sa pagkaantala sa paghahain ng mga kaso.
Nakakapagtaka nga naman kasi na out of thousands administrative cases ay bakit wala pa sa isandaan ang naisampa sa korte? Mabagal daw ba talaga kumilos o umaksyon ang legal division o sinasadyang magbagal for some reasons?
###########
NANGAKO naman at tiniyak ng Department of Justice na tuloy-tuloy ang pag-usad ng malalimang imbestigasyon ng Task Force PhilHealth na sadyang binuo para busisiin ang umano’y talamak na anomalya sa PhilHealth. Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na tuloy ang imbestigasyon kahit nag-resign na si PhilHealth President at Chief Executive Officer Ricardo Morales.
Katunayan ay maayos anya ang itinatakbo ng imbestigasyon ng binuong Task Force PhilHealth na DoJ ang tumatayong lead agency at mga miyembro naman nito ang iba’t-ibang concerned agencies ng gobyerno.
Aminado naman ang kalihim na ilan sa mga ipinatawag nilang resouce persons ay hindi nagsasabi ng buong katotohanan kaugnay sa kanilang nalalaman, pero umaasa umano sila na magbubunga at magtatagumpay ang kanilang imbestigasyon.
Naniniwala at kumpiyansa pa rin si Guevarra na makakabuo sila ng sapat at matibay na mga kaso laban sa mga opisyal na nadadawit sa sinasabing katiwalian sa PhilHealth.
###########
KINUMPIRMA ni Justice Secretary Guevarra na natanggap na ng DoJ ang liham o request ng Senado na humiling na mabigyan ng proteksyon ng DoJ sa ilalim ng Witness Protection Program ang mga whistle blowers na naglantad ng sinasabing mga anomalya sa PhilHealth.
Agad namang pinag-aralan ng DoJ ang mga kakailanganing datos o detalye para sa ibibigay na proteksyon sa mga hindi pinangalanang testigo ng Senado.
Sa ilalim ng RA 6918 o mas kilala sa tawag na Witness Protection Security and Benefits Act, ang sinumang testigo na napasok sa WPP ng DOJ ay hindi na maaring tumangging tumestigo o magbigay ng mga ebidensya na kailangan ng prosekusyon para sa pagsusulong ng kaso laban sa mga inaakusahan.
Kaugnay nito ay inirekomenda na ng Senate Committee of the Whole na sampahan ng kasong graft and corruption sina Health Secretary Francisco Duque III at ang nag-resign na si PhilHealth President Ricardo Morales, at ilan pang matataas na mga opisyal. Samantala itinalaga na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si dating National Bureau of Investigation Director Dante Gierran bilang bagong PhilHealth president. Nangako pa si Gierran na bubuwagin niya ang sinasabing mafia sa loob ng PhilHealth. Ang tanong, may mga opisyales kaya duon na mapapanagot sa batas? Sana ay hindi ito matapos sa puro imbestigasyon lang. Alalahanin natin na pera ni Juan dela Cruz ang pinag-uusapan dito. Malaking hamon ito kaya dito masusubok ang kakayahan ni Gierran. ABANGAN….