Ni Kristine Joy Labadan
LAHAT ng tao’y gusto ng makinis at walang bahid na kutis lalo na sa mukha, kung kaya’t karamihan ay gumagamit ng kung ano-anong pampaganda ng kutis na kanilang nakikita sa mga kaibigan o kaya naman ay sa mga artista at celebrity na hinahangaan. Ang iba ay mahilig sumubok ng mga produkto para sa layuning ito.
Ngunit alam ba ninyo na ang pagkain ng gulay at prutas ang pinaka mainam na paraan upang magkaroon ng makinis at magandang balat? Ang resulta rin nito ay mas pang matagalan at nakatutulong ng lubos sa pag maintain ng nutritional health. Kapag nakuha ng katawan ang mga bitamina na kailangan sa pagpapanatili ng kagandahan at kalusugan, tiyak na ito’y masasalamin din sa panlabas na hitsura ng tao.
Makabubuting tunghayan ang sumusunod na kulay ng prutas at gulay:
- Kahel at mga dilaw — May taglay itong beta-carotene at mabuting panlaban sa mga free-radical kung kaya mabisa ito sa pagpigil ng pangungulubot ng balat. Sa kabuuan, ito ang mga nagpapabilis ng pagpapalit ng cells at nilalabanan ang mga mikrobyo na maaaring makapaminsala sa balat. Halimbawa nito’y mangga, orange, lemon, kalabasa at iba pang kulay dilaw na prutas at gulay.
- Pula — Ang mga pulang gulay at prutas ay mayroong lycopene na isang epektibong anti-oxidant. Ang papel nito’y ang protektahan ang ating balat laban sa mapaminsalang epekto ng sobrang init ng araw lalo na sa klimang mayroon ang Pilipinas. Ilan sa pulang gulay at prutas ay ang kamatis, pulang bell peppers, papaya, watermelon, atbp.
- Berde — Simula pagkabata’y laging pinapaalala na ng ating mga magulang na tayo’y kumain ng mga berdeng gulay. Iniisip natin na para lamang ito sa mga bata ngunit ang totoo’y para ito sa lahat ng edad. Kumain ng repolyo, kiwi, celery, broccoli, atbp. na mayaman sa Vitamin C at folate para sa cell generation. Ang mga berdeng gulay at prutas na ito ay malakas ang panangga sa katawan laban sa kanser.
Ngayo’y batid na natin ang kahalagahan ng gulay at prutas sa pagpapanatili ng malusog ‘di lamang ng ibang aspeto ng ating katawan kundi maging ng ating balat, kaya simulan na at ugaliin magsama ng kahit isang prutas o gulay sa dyeta mula sa mga nabanggit upang mabilis na makita ang magandang resulta na dulot nito.