Ni Melrose Manuel
ISANTABI muna ang kulay pulitika, ito ang panawagan ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga kapwa niya lingkod bayan sa gitna ng pandemya.
Aniya hindi ito ang panahon para magtalo-talo dahil pagkakaisa ang kanilang kailangan para malagpasan ang naturang health crisis.
Hinikayat din ng senador ang kapwa niya mambabatas na unahin muna ang kapakanan ng bansa at huwag munang haluan ng pulitika ang lahat ng bagay.
Sila aniya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay magpapatuloy sa kanilang kampanya kontra kurapsyon, iligal na droga at kriminalidad.
Samantala, kasunod nito ay nagpahayag naman ng respeto si Sen. Go sa lahat ng senador maging ang mga nasa oposisyon.
Aniya, marami silang natutunan sa mga beterano ng opisyal na nanungkulan na sa bayan nang mahabang panahon.