Ni Melrose Manuel
NANGYAYARI talaga na nawawala sa ayos ang ating closet lalo na sa mga taong busy dahil laging may hinahabol na oras. Isa rin sa dahilan ay ang katamaran. Wala talagang nagagawa ang katamaran kaya alisin na ito sa ating bokabularyo.
Aminado tayo na ginagawa nating taguan ang ating closet gaya ng mga jewelries, make up kits, gadgets at kahit pa nga ng pagkain.
Huwag gawing refrigerator ang closet
Iwasan ang paglagay ng pagkain sa loob ng closet dahil isa ito sa dahilan ng pagbaho nito. Maraming uri ng pagkain ang akala natin ay hindi mangangamoy sa loob ngunit tandaan na ang mga damit ay madaling kapitan ng amoy. Para hindi ito mangamoy ay ipasok sa silyadong sisidlan.
Siguraduhin namang hindi maglagay ng basang damit. Hindi natin napapansin lalo na sa mga nagpapatuyo na gamit ang drier machine. Nangyayari ito kapag hindi napatuyo nang maigi lalo na ng mga makakapal na tela. Nagdudulot ito ng mabahong amoy sa loob ng kabinet at ganun din sa mga damit na nasa loob.
Uling para iwas-amoy
Iwasang mag-spray ng pampatanggal ng mabahong amoy o maglagay ng air freshener dahil tinatakpan lang nito ang mabahong amoy. Panandalian lang ang naibibigay nitong bango sa closet kaya masasayang lang ang ginawa mong effort.
Punasan ng malinis na basahan ang bawat sulok ng closet. Upang malinisan nang maigi, mas mainam na alisin muna ang lahat ng laman nito.
Nakatutulong din ang paglalagay ng charcoal o uling sa loob ating cabinet. Mabilis kasi itong sumipsip ng mabahong amoy.
Maglagay ng newspaper o gawing sapin ito sa mga nakatuping mga damit. Maaari ding patungan ito ng hindi pa na printahan na papel tulad ng manila paper. Para rin kasi itong uling na sumisipsip ng hindi kanais nais na amoy sa loob ng closet.
Labhang maigi ang mga damit bago itago para maging mabango at presko sa pang-amoy. Nakakapagbigay ng mabangong amoy ang ginamit nating sabon o fabric conditioner sa loob ng closet. Nakaugalian din ng iba na maglagay ng mabangong sabon sa loob ng damitan.
Huwag paghaluin ang malinis sa marumi
Panghuli sa lahat, huwag paghaluin ang mga damit na malinis at damit na nasuot na. Nakakalikha talaga ito ng masamang amoy sa loob ng kabinet lalo na kung napawisan na ang mga damit.
Paano maging maayos ang ating closet
Maraming paraan upang laging nasa ayos ang ating mga kagamitan sa loob ng ating closet. Masarap sa pakiramdam at maaliwalas ang tirahan kung nasa tamang ayos ang mga gamit.
Malaki ang katungkulan ng isang magulang dahil nagsisimula sa mga ito ang kaalaman ng lahat sa pagliligpit ng mga gamit. Maliit man o malaki ang ating tinitirhan, dapat nasa-ayos ang mga gamit.
Nakaugalian ng marami na taguan ng iba’t ibang gamit ang loob ng aparador. Depende sa disenyo nito, malaki man o maliit pero maaaring pangkat pangkatin ang mga gamit sa loob ng closet.
Upang madaling mahanap ang ating kinakailangan ay paghiwa-hiwalayin ang mga gamit tulad ng t-shirt, pantalon, mga panloob na damit, medyas at maging ang sinturon.
Maaring ilagay naman sa isang box o kahit anong lagayan ang mga maliliit na gamit para hindi magkalat sa loob ng kabinet tulad ng mga hikaw, kwintas, pang-ipit sa buhok, at mga make-up.
Naisasama rin dito ang mga charger sa ating cellphone, headphone at iba pa.
Sa pangkalahatan, dapat maging masipag magligpit at magtupi upang maayos at kaibig-ibig ang ating closet.
Sinabi ni Benjamin Disraeli na dating British Prime Minister, “Cleanliness and order are not matters of instinct; they are matters of education, and like most great things, you must cultivate a taste for them.”
Ang mabango at maayos na kabinet ay nakatutulong. Bawat araw nagbibihis tayo kaya kung nakaayos ang ating mga damit alam na alam mo na kung saan pupulutin at hihilain ang mga ito.
Marami ka pang magagawa kung maayos ang closet. Hindi na kailangan na balik balikan ang ating closet para ayusin. Resulta nito hindi na naaabala ang oras mo sa ibang mga gawain sa loob man o labas ng bahay.
Nakakatuwang tingnan ang ating closet kung mabango ito at maayos. Nakakataba ng damdamin kung pagbukas palang dito ay sasalubungin ka na ng bango at maayos na mga gamit. Iwas stress din ang tumira sa maayos na lugar.
“Keep your surroundings pure and clean. This hygiene will keep you healthy, physically and mentally,” ayon sa isang kawikaan. Di ba, tama nga naman.
Alisin sa closet ang mga damit na hindi na sinusuot
Ilagay sa ibabaw ng mga natuping damit ang mga madalas sinusuot. Nakagugulo kasi kung huhugutin mula sa pinakailalim ng mga nakasalansan na damit. Ang mga damit pang okasyon ay mas mainam pag nasa ilalim dahil paminsan minsan lang itong nagagamit.
Tandaan na mapapanatiling mabango at malinis ang ating closet kapag maglaan ng oras o araw sa pag-ayos nito.