Ni Margot Gonzales
NANININDIGAN ang Caloocan City na ipagpapatuloy ng lungsod ang pagpapasuot ng quarantine wristband o Q-band sa mga residenteng na-test para sa COVID-19 para imonitor ang galaw ng mga ito.
Ito ay sa kabila ng opinyon ng ilang residente na magdadala lamang ng discrimination ang pagpapasuot ng Q-band at pandidirihan o katatakutan lamang anila ng mga tao ang mga na-test.
Pero paliwanag ni Atty. Sikini Labastilla, Head ng COVID-19 command center ng Caloocan walang basehan ang diskriminasyong ito.
Aniya ang mahalagang isaalang-alang dito ay public health at hindi ang pansamantalang pananatili nila sa bahay pagkatapos ma-test para hindi makahawa kung sila man ay magpositibo.
Lunes nang simulan ng LGU ang pamimigay ng Q-band sa labing limang residente sa barangay 52.
Ang distribution nito sa bawat residenteng matetest ay ipagpapatuloy lamang kapag lumabas na ang city ordinance para sa pagpapasuot nito sa mga residenteng sinuri para sa sakit na COVID-19.
Hindi nila puwedeng tanggalin ito sa loob nang 14 araw na quarantine period, o higit pa kung positibo sa COVID-19.
May QR code ang Q-band na isa-scan kada 12 oras para ma-monitor sa command center kung nasaan ang tao.
Sakaling maipasa na ang ordinansa sa susunod na linggo ay, may multang P1,000 o 10 araw na pagkakakulong ang hindi makakapag-scan ng Q-band sa tamang oras.
Sa ngayon sa huling ulat ay nasa 6,387 tao na ang tinamaan ng COVID-19 sa Caloocan Ciy, pero 5,099 sa kanila ang nakarekober na.