Ni Pol Montebon
PERSONAL nang nanawagan si Pasig City Mayor Vico Sotto sa mga residente nito na makipagtulungan sa kanilang kampanya kontra COVID-19.
Partikular na sa kakulangan nila sa bilang ng COVID-19 contact tracers.
Ayon sa kanilang datos, nangangailangan ang lungsod ng 65 nurses, 35 medical doctors, at 2 medical technologists para punan ang pangangailangan sa mga itinatayong quarantine facilities sa lugar.
“Kailangan natin ng karagdagang contact tracers at staff sa centralized quarantine facility para mapalakas ang aksyon natin laban sa COVID-19,” wika ni Sotto.
Bukod dito, nangangailangan din ang kanilang city health department ng karagdagang 60 nurses o medical technologists na magsisilbing contact tracers.
At kung maari ay mga taga Pasig lang muna ang kanilang tinatawagan ng pansin para sa mas mabisang pagtukoy sa mga pasyente o mga tatamaan ng COVID-19 dahil magkakakilala lang ang mga ito.
Wala naman aniyang poproblemahin sa kompensasyon para dito.
“We are accepting applications for the healthcare staff who could fit in contact tracing, preferably Pasig residents. We are also accepting applicants from other places because we need more workforces for contact tracing,” ayon pa kay Sotto.
Samantala, ngayong buwan ang itinakdang distribusyon sa libreng tablet para sa mga estudyante sa buong lungsod ng Pasig.
Nagkakahalaga ito ng mahigit sa isang bilyong piso.
Aabot sa 140, 000 na piraso ng tablet ang nakatakdang ipamahagi ngayong buwan para sa lahat ng mga estudyante sa lungsod ng Pasig.
Ito ay para sa inaasahan na pagbubukas ng online class ngayong buwan ng Oktubre.
Batay sa kanilang datos, ito na ang pinakamalaking pondo na inilabas ng isang LGU para sa libreng tablet sa mga benepisyaryo nitong mga estudyante.
Nagkakahalaga ng mahigit sa isang bilyong piso ang proyektong ito para sa bilang suporta sa alternative modes kabilang ang online classes habang hindi pa maaari ang physical classes sa gitna ng patuloy na coronavirus pandemic.
Matatandaang, nauna nang nag-anunsiyo ang lungsod ng Maynila, ang paglalaan nito ng P994 milyon para sa e-learning devices sa darating na pasukan.
Ayon kay Moreno, ang bawat tablet ay mayroon nang sim card, buwan buwan may load na 10gb, at libreng 2gb data para sa youtube.
Mga laptop na may pocket wifi device naman ang ipamamahagi sa mga guro sa mga pampublikong eskuwelahan.
Samantala, sa lungsod ng Quezon, buwan ng Hunyo pa nag anunsiyo ang lokal na pamahalaan sa inaprubahang P2.9 bilyong supplemental budget ng lungsod na gagamitin para pondohan ang kinakailangang learning materials tulad ng mga gadget, printed modules at internet allowance ng higit sa 430,000 inaasahang mag-eenrol sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.
Aniya, magbibigay ng tablets ang paamahalaang lungsod para sa 155,921 na naka-enrol na junior high school students at 19,819 na naka-enrol naman sa senior high school.