Ni Melrose Manuel
HINDI papatawan ng parusa ng PBA ang Phoenix Head Coach na si Louis Alas sa kabila ng paglabag nito sa health at safety protocols ng liga sa kalagitnaan ng ensayo nito.
Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, hindi na nila nakikitaan ng rason kung bakit pa nila kailangang patawan ng parusa si Alas dahil sa sinuspinde na naman ito ng kanyang sariling team.
Sinabi rin ni Marcial na siya ay nagagalak na makitang nagkukusa at hindi pinapalampas ng bawat team ang protocols ng liga upang masigurong mayroon silang ligtas na kapaligiran sa kanilang ensayo.
Si Alas ay sinuspinde ng mismong management ng Phoenix dahil sa paglabag nito sa tatlong health at safety guidelines sa unang araw pa lang ng training ng kanyang team.
Sinabi naman ni Alas na wala siyang idea sa mga nagawa niyang violations at hindi niya sinasadyang malabag ang mga ito at aniya ay masyado lang siyang nasabik sa pagbabalik ensayo ng kanyang team.
Nakatakdang magbalik si Alas sa kanyang team sa training sa Setyembre 10.