Ni Terrijane Bumanlag
ISA ang Sagada sa pinaka popular na tourist destination sa bansa. Sa katunayan tinawag itong “Shangri-la of the Philippines” dahil sa napakalayo nito sa siyudad, tahimik, payapa at maaliwalas.
Paano makakarating sa Sagada?
Mula sa lungsod ng Maynila hanggang Baguio, aabutin ang biyahe ng anim na oras. Pagdating sa Baguio City saka ulit sasakay ng bus o van biyaheng Sagada na aabutin naman ng apat na oras na biyahe, pwede rin naman na mag all the way mula Maynila hanggang Sagada na aabot naman ng labin dalawang oras na biyahe. Maaari ring dumaan sa Ilocos tuloy-tuloy hanggang Sagada na aabutin naman ng siyam na oras ang biyahe.
Sa kabila ng mahaba habang biyahe talaga namang sulit ang pagpunta sa napakagandang lugar ng Sagada.
Sa biyahe pa lamang, adventure na dahil sa mataas at matarik na daan na tatahakin ng sasakyan paakyat sa magkakasunod na bundok sa Cordillera patungong Sagada, talaga naman mapapadasal ka sa nerbiyos, sapagkat kung titingin ka sa labas ng sasakyan sa baba ay makikitang walang harang ang mga kalsada at minsan pa ay kaliwa’t kanan ang bangin. Pinakamataas na dadaanan ang Halsema Highway, opisyal na highest altitude highway sa Pilipinas na may highest point na 7,400 feet above sea level at itinuturing na most dangerous road sa Pilipinas.
Hindi aircon ang mga sasakyan paakyat sa Sagada kaya open ang mga bintana, may mga pribadong sasakyan naman na binubuksan ang kanilang mga bintana para malanghap ang sariwang hangin at napakalamig na klima kahit pa tanghaling tapat, habang pinagmamasdan ang tila iginuhit ng isang napakagaling na pintor — ang tanawin ng mga nakapaligid na berdeng mga bundok, kumpol kumpol at makakapal na ulap na tila napakalapit mo na sa langit, asul na ilog, mataas na waterfalls at lalo na ang rice terraces na hanggang ngayon ay napapanatili ang hugis at ganda na talaga namang nakabibighani.
Mga dapat puntahan
Tourist Office Center. Unang puntahan ito para magparehistro at kumuha ng travel guide at bago pa magpunta sa Sagada maari ka na ring magpabook ng advance sa hotel at cottages na karaniwang ang may ari ay taga doon din at may mga lokal din naman na nagpaparenta ng kanilang mga kuwarto. Sakali namang fully booked na ang mga ito, sa labas ng Sagada ay may makikita pa ring mga cottages na maari ninyong matuluyan at kung wala na talaga ay maari namang magtayo ng tent, siguraduhin lamang na may dala kayo nito.
Hanging coffin o mga nakasabit ng mga kabaong sa mataas na bato. Ayon sa mga Igorot, matagal nang bahagi ito ng kanilang tradisyun at kultura at sinasabing kapag mas mataas ang pagkakasabit ay mas malapit ito sa langit at hindi rin maabot ng anomang mga hayop ang kanilang lumisang mahal sa buhay.
Sumaguing Cave o spelunking. Bagay na bagay ito sa mga adventurers at mahilig sa tinatawag na spelunking o hobby na pagpasok sa mga kuweba na may kasamang pagtalon gamit ang mga lubid at pagdaan sa maliliit na butas sa pagitan ng mga bato.
Echo Valley. Isa itong mataas na lugar na madalas pinupuntahan ng mga broken hearted kung saan kahit sino pwede isigaw lahat ng gusto nilang isigaw at mag e-echo ito. Dito rin nag shooting ang pelikulang That Thing Called Tadhana na pinagbidahan ni Angelica Panganiban at JM De Guzman.
Bomod-ok waterfall. Ibig sabihin nito ay “big fall” dahil sa napakataas na bagsak ng tubig na napakalinaw din at napakalamig. Mas magandang maligo dito sa tanghali dahil sa sobrang lamig ng tubig. Pwede itong lakarin sa loob ng isa’t-kalahating oras.
Kiltepan Viewpoint. Ito ang pinakamataas na lugar sa Sagada. Magandang pumunta dito sa umaga at panoorin ang makapigil hiningang pagsikat ng araw mula sa likod ng mga bundok sa Cordillera na napapaligiran ng alon ng mga ulap. May kuha sa lugar na ito ang pelikulang Don’t Give Up on us ni Judy Ann Santos at Piolo Pascual.
Marlboro Hills. Aabutin ng apat hanggang limang oras ang paglalakad bago makarating dito pero sulit naman dahil pagdating mo sa tuktok ay tila nasa ibang bansa ka dahil sa napapaligiran ka ng mga bato na may natatanging kulay, asul na may pagka berde dulot ng mataas na copper-sulfate –rich soil dito na mas lalo pang tumitingkad ang kulay kapag nababasa ng ulan.
Pagkaing bida sa Sagada
Etag. Specialty food ito ng mga sinaunang tao pa sa Sagada. Baboy ito na binababad muna sa maraming asin pagkatapos ay pauusukan ng ilang linggo.
Pinikpikan. Isang Cordillera delicacy na lutong manok na unti-unting pinapatay o sabi nila ay “killing me softly chicken” dahil sa kailangan na paduguin ang mga buto ng manok sa pamamagitan ng pagpalo dito saka hahatiin at pakukuluan para mas maging malambot ang karne, malasa at malinamnam. Ibig sabihin ng pinikpikan sa Ilokano ay paulit ulit na pagpapakulo.
Mga dapat dalhin at iwan sa Sagada
Magdala ng malaki ngunit magaan na backpack, thermos para hindi bili nang bili ng tubig, rashguard, powerbank, charger, flashlight, dry bag, jacket, kopya ng passport at visa kung ikaw ay dayuhan, sombrero, safety kit na naglalaman ng alcohol, iodine, gasa, band aid na maliit at malaki, gamot sa sakit ng ulo, mosquito repellant lotion, sunscreen, at higit sa lahat – camera, cellphone at sapat na pera dahil minsan madalas hindi na maaasahan ang mga ATM machine dahil sa rami ng mga turistang gumagamit nito lalo na kung peak season.
Mga dapat iwan?
Kung may iiwan hindi dapat basura o kalat kundi mga problema, hinanakit sa buhay, galit at sama ng loob na meron ka nang ikaw ay dumating.
Mga dapat dalhin sa pag alis?
Siyempre mga magagandang alaala at kasiyahang naranasan sa tahimik at napakagandang lugar mag- isa ka man, o higit sa lahat kung kasama mo ang iyong mga mahal sa buhay.
Dapat tandaan na kahit saan ka mang bahagi ng mundo pumunta huwag kalilimutan na magdasal, maging alerto at irespeto ang mga tao at ang tradisyon at kultura na meron sila.