Ni Margot Gonzales
UMAASA si Senator Panfilo Ping Lacson na hindi maiimpluwensyahan ang Department of Justice sa ginagawang imbestigasyon sa mga opisyal ng PhilHealth sa kabila ng opinyon ng Presidente sa kalihim.
Kagabi sa isang televised speech ay muling sinabi ni Pangulo na buo ang tiwala nito sa Kalihim sa kabila ng mga naririnig nitong paratang sa kaniyang Cabinet Sec.
Ayon kay Lacson, umaasa at tiwala siyang patuloy ang DOJ sa pagsunod sa kanilang mandato na lagi nilang maging gabay ang mga ebidensya at hindi isinasaalang alang kung sino ang nadiin sa isyu.
Pero giit ni Lacson na hindi niya hinusgahan ang criminal liability ni Duque matapos niyang sabihin na inabswelto na ng Pangulo si Duque sa kaniyang televised address.
Pero sa kabila nito ay hindi nagbabago ang opinyon ni Lacson na dapat nang palitan si Duque sa kaniyang posisyon.
Aniya sapat na ang conflict of interest ni Duque nang payagan nito na direktang gumawa ng transaction ang korporasyong pagaari ng kaniyang pamilya sa PhilHealth at DOH noong 2019.
Matatandaan na noong isang taon nang ibulgar ni Lacson ang pagpapa-rent nito ng property nito ng kanilang gusali at pagsuplay ng pharmaceutical sa dalawang ahensya na kaniyang pinamumunuan.
Samantala nanatili namang matibay si Senate President sa kaniyang stand na walang dudang may kapabayaan si Duque na kailangan niyang papanagutan.
Sa isang twitter post ni Sotto ay sinabi nitong pinamumunuan ni Duque ang board ng PhilHealth at nasa bilyong pera ang nagamit nang illegal sa kaniyang pamamahala sa ahensya.
Lunes nang inadopt ng Senado ang final committee report ng Senate Committee of the Whole na nagrerekomendang dapat sampahan ng kaso si Duque kasama si resigned PhilHealth Chief Ricardo Morales dahil sa mga kontrobesiya sa ahensya.
Samantala sa Sept. 14 naman nakatakdang ipasa ng DOJ ang kanilang report sa kanilang ginagawang imbestigasyon laban sa PhilHealth.