NI EUGENE FLORES
Bawat atleta ay may kamangha-manghang istorya sa kanilang buhay.Nariyan ang mga nagsimula sa wala, sa kahirapan, bago pa man makamit ang tagumpay at matamasa ang kasikatan.
Ngunit hindi lahat ng nasa itaas ay garantisadong mananatiling maginhawa ang buhay.
Halimbawa nalang si TYSON FURY. May mga pangyayaring halos tumapos sa buhay nitong dati at tanyag na boksingerong heavyweight.
Mula sa pagiging kampeon, bumagsak ang karera ni Fury at hindi biro ang mga dinaang yugto sa kaniyang buhay bago makabangon muli.
Depresyon
Matapos itanghal bilang unified world heavyweight champion noong 2015, nagsimulang mawalan ng motibasyon si Fury, hindi lamang sa boksing kundi pati na rin sa buhay.
Tinalo ni Fury si Wladimir Klitschko para makuha ang titulo. Matapos nito ay nakatakda dapat ang rematch nila; pumayag ang dalawang panig ngunit kalauna’y nahinto dahil sa depresyong kinakaharap ni Fury. Nawala rin kay Fury ang mga belt na hawak niya dahil dito.
Kampeon, sikat, at walang talong boksingero ang marahil na perspektibong makikita kay Fury. Marahil ay iisipin ng marami na halos nasa kanya na ang lahat at walang dahilan para siya malugmok. Ngunit ang mga kaganapan sa malungkot na yugto na ito ng kaniyang buhay ang nagpapatunay na walang pinipiling estado sa buhay ang depresyon.
Ang pagkakaroon ng mental health illness ay hindi biro. Maari itong makuha ng mahirap na tao at maging bilyonaryo at sikat.
Ang kalagayan ni Fury ay naging malala at humantong sa mga pagkakataong ayaw nalang niyang bumangon at umasa nalang na may pumatay sa kaniya bago niya mapatay ang kanyang sarili.
Nawala sa larangan ng propesyunal na boksing si Fury ng dalawang taon bagama’t nanatiling malinis ang kartada nitong may 25 panalo at walang talo.
Nalulong ito sa alcohol at droga kaya labis na umangat ang timbang sa mga panahong ito. Umabot siya ng 330 pounds o 150 kilos mula sa dati nitong timbang na 247 pounds o 112 kilos.
Ayon pa mismo kay Fury, muntik na niyang idiretso ang minamanehong sasakyan sa isang tulay sa sobrang bilis ng takbo nito upang tapusin na ang kaniyang buhay.
Hindi lingid sa kaalaman ng karamihan ang noo’y hinaharap ni Fury dahil isinasapubliko ang ilan sa mga ito.
Knockout ang depresyon
Masasabing halos naabot na ni Fury ang dulo ng buhay dahil sa kanyang depresyon at mula sa dulo ng daan ay muling nakalakad ito patungo sa bagong buhay.
Humingi ng tulong propesyunal si Fury. Ito ang isa sa malaking hakbang na ginawa niya tungo sa pagbabalik.
Ito ay patunay na ang pagpunta sa eksperto upang idulog ang isyu ng mental health ay makatutulong sa lahat ng may dinaranas na ganito.
Dagdag ni Fury na ang pagbabalik niya sa gym ay nakatulong rin upang muling magkaroon siya ng motibasyon.
Tinalikuran din niya ang pag-iinom ng alak at droga.
Hindi bumalik si Fury sa dati nitong gawi bago magkasakit bagkus mas pinahusay nito ang kaniyang pagbabagong buhay.
Dahil sa matagumpay na paglaya sa madilim na nakaraan, ngayon ay tumutulong si Fury sa mga katulad niyang may mental health illness.
“This shows you that no matter how bad things get, you must continue as things will get better. I promise you, you can get your life back. Seek help immediately,” aniya.
Naging ambassador si Fury para sa mental health at wellness at patuloy na ginagampanan nito ang tungkulin upang maging kaagapay sa paglaban ng marami sa sakit na ito.
Mainam din umanong magkaroon ng mithiin o goal maging maikli o pangmatagalan man ito, saad ni Fury. Ito raw ay makatutulong upang unti-unting makahakbang papunta sa mas maginhawang kalagayan.
“I don’t suffer from mental health when I’m active and I’ve got a goal, if you suffer from mental health problems you tend to suffer when you’re on your own and you have a lot of time to think, but when you’re busy on a daily basis you don’t have much time to think about mental health,” wika nito sa isang panayam.
Pagbabalik sa tuktok
Napagtagumpayan ni Tyson Fury ang pinakamahirap niyang laban sa buhay kung kaya’t mas naging madali sa kaniya ang mga hamon sa loob ng boxing ring.
Bukod sa ehersisyo ay sikreto ni Fury ang pagkain ng anim na meal sa isang araw upang maibalik ang dating pangangakatawan.
Ipinagmamalaki ni Fury ang kaniyang body transformation na umani ng samu’t saring papuri sa social media.
Mula rito ay hindi na lumingon pabalik si Fury.
Noong 2018, bumalik na sa boksing ang tinaguriang Gypsy King.
Hinarap nito ang dating WBC heavyweight champion Deontay Wilder sa pagbabalik; nagtapos ang kanilang laban sa isang draw. Kontrobersyal man ang laban nagpatuloy si Fury.
Sunod niyang hinarap si Otto Wallin. Bagama’t nahirapan si Fury at nagtamo ng malaking sugat sa itaas ng mata, nakuha nitong manalo sa isang unanimous decision.
Matapos nito ay muli niyang hinarap si Wilder sa isang rematch.
Sa kanilang pagkakataong ito, nabuhay muli ang kanilang rivalry sa heavyweight boxing. Nagtagumpay si Fury laban kay Wilder na pinataob niya sa ika-pitong round. Muling nakuha ni Fury ang WBC belt at ipinatikim kay Wilder ang una nitong talo sa loob ng 43 laban.
Ang mainit na sagutan at bakbakan ng dalawa ay malaking tulong kay Fury sa pagkamit muli ng trono. At dahil sa dedikasyon at inspirasyong nakuha sa pangalawang pagkakataong mabuhay, nakamit ni Fury muli ang rurok ng tagumpay.
Itinuturing na number one boxer si Tyson Fury sa heavyweight division ngayon at dagsa ang mga boksingerong nais makalaban ito. Ayon nga sa isang sikat na kasabihan, sa pagsasara ng isang pinto, may nagbubukas naman na bagong daan.
Patunay nito si Tyson Fury na mula sa pagkakalugmok ay nakabangon at narating muli ang rurok ng tagumpay. Sa pag-akyat muli sa tuktok ng kaniyang karer, ipinakita ni Fury na may mas matibay na laban kontra sa banta ng mental health. Dapat lamang na gawin ang unang hakbang — ang paghingi ng nararapat na tulong propesyunal.