Ni Edmund C. Gallanosa
ANG kape, qahua sa Arabic, café sa Spanish o coffee sa Ingles ay ang pinaka-popular na inumin sa buong mundo. Saan ka mang panig mapunta, ang kape ay maaaring ialok sa iyo.
Bakit nahuhumaling ang mga tao sa kape? Maliban sa tamang pang-gising ito sa umaga o panunaw sa kinain, malaki ang epekto nito sa katawan. Mainam kaya ito sa katawan, o may panganib sa sobrang pag-inom nito?
Banggitin natin ang ilang benepisyo nito sa katawan ng tao, gayundin ang maaaring maging masamang epekto nito sa katawan.
Ang sobrang pag-inom ng kape ayon sa mga pag-aaral ay maaaring magpataas ng anxiety level ng isang normal na indibidwal, mas lalo na sa may mga pre-existing anxiety disorder. Ang sobrang pag-inom ng kape ay maaari rin magdulot ng depression sa ibang tao—dulot ng caffeine na sangkap ng kape, at mild hypertension naman ang puwedeng idulot nito lalo na sa mga kabataan.
Ayon naman sa isa pang pag-aaral sa University of Nevada School of Medicine, ang mga babaeng nagpaplanong magbuntis ay dapat maghinay-hinay sa pag-inom nang sobra.
Isang hindi magandang epekto ng kape? Nasisira nito ang natural body clock ng isang indibidwal. ‘Yan ay kung inaabuso ang pag-inom nito—ang sobra-sobrang pag-laklak ng kape.
Subalit huwag mag-alala. Mas lamang naman ang benepisyo ng kape sa katawan ng tao. Mayaman sa anti-oxidants ang isang tasa ng kape na kailangang-kailangan ng katawan ng tao. Ayon sa mga pag-aaral sa Estados Unidos at Italya, ang pag-inom ng kape ay nagpapataas ng protina na SHBG na nagpipigil sa katawan na magkaroon ng Type 2 Diabetes. Sa isa pang pag-aaral, napaka-baba ng incidence level ng pagkakaroon ng Parkinson’s disease sa mga madalas uminom ng kape. Dagdag pa nito, nakakatulong umano sa muscle movement ang caffeine sa mga taong may Parkinson’s, ayon sa Institute of the McGill University Health Centre (RI MUHC).
Ang pag-inom ng kape ay tumutulong din para makaiwas din sa pagkasira ng atay dulot nang palagiang pag-inom ng alak. Mainam din ang kape sa kalusugan ng ating puso—mababa ng 11 porsyento ang chance ng heart failure sa mga umiinom ng dalawa hanggang tatlong tasa sa isang araw, kumpara sa mga hindi umiinom ng kape.
Kahit naman anong bagay kung sobra-sobra ay maaaring makasama sa katawan ng tao. Ang susi sa tamang kalusugan at patuloy na pagnamnam ng kape, ay ang tamang inom lamang. Responsible drinking ika nga nila, hindi lamang sa alak kundi pati na rin sa kape.