Ni Karen David
ISA nang Severe Tropical Storm ang Bagyong Goni habang kumikilos pakanluran.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang sentro ng bagyo sa 1,545 kilometro silangan ng Central Luzon (labas ng Philippine Area of Responsibility o PAR).
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 95 kilometro kada oras malapit sa gitna at pabugsong umaabot sa 115 kilometro kada oras. Kumikilos ang bagyo pakanluran sa bilis na sampung kilometro kada oras.
Sa forecast ng PAGASA, papasok ang Severe Tropical Storm Goni sa eastern boundary ng PAR mamayang hapon o gabi at inaasahang lalakas pa sa typhoon category sa loob ng 24 oras at patuloy na lalakas habang nasa Philippine Sea.
Sakaling pumasok sa PAR, bibigay ang bagyo ng local name na “Rolly.”
Sinabi ng weather bureau na maaring itaas ang signal number 1 sa ilang probinsya sa Bicol Region at Northern Samar sa Biyernes ng gabi.