Ni Karen David
NANATILI pa rin sa tropical cyclone wind signal no. 1 ang nasa 23 lugar sa Luzon dahil sa tropical depression na Pepito.
Base sa 8am bulletin ng PAGASA, nakataas ang signal no. 1 sa Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Aurora, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales, Bulacan, Pampanga, Bataan, Metro Manila, Rizal, Northern Portion ng Quezon, Extreme Northern Portion of Camarines Norte at Catanduanes.
Huli namang namataan ang bagyo sa layong 375 kilometro silangan ng Infanta, Quezon na may taglay na lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras at pabugsong umaabot sa 75 kilometro kada oras. Kumikilos ito pakanluran hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Ayon sa PAGASA, lalakas pa sa tropical storm ang tropical depression na Pepito bago ito inaasahang maglandfall sa baybayin ng Aurora-Isabela area mamayang gabi.
Inaasahang lalabas naman ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility sa Huwebes ng umaga.