Ni Margot Gonzales
HINDI makakabili ng mga bagong vote-counting machines o VCM ang Commission on Elections o COMELEC para sa 2022 Elections bunsod ng kalahating tapyas sa orihinal 30-B proposed budget sa 2021.
Pero ayon sa COMELEC kailangan nila ng dagdag pondo dahil kakailanganin pa rin aniya ang mga bagong machines lalo pa’t plano nilang bawasan ang bilang ng botante sa kada presinto.
Dahil dito ay mapipilitan ang ahensya na gamitin ang mga lumang VCM para sa 2022 polls.
Napag-alaman sa budget hearing ng ahensya sa Senado na nasa 14.57-B lamang ang inaprubahan sa ilalim ng 2021 National Expenditure Program o NEP.
Ang original proposed budget ng ahensya ay nasa 30-B pesos para sa kanilang preparasyon para sa 2022 elections.
Ayon naman kay COMELEC Finance Department Division Maria Lea Alarkon, dahil sa budget cut ay nasa 12.4-B pesos ang mawawala para sa maintenance and operating expenses, kasama dito ang 1.2-B para sa transmission services, 1.3-B para sa printing services ng mga ballots, 1.6-B deployment at logistics.
Ayon naman kay COMELEC Commissioner Marlon Cascuejo nasa 1-B ang kanilang gagastusin para sa refurbishment ng 97,000 na mga VCM.
Pero ayon kay Cascuejo ay patuloy silang hihirit ng dagdag sa pondo dahil kailangan pa rin aniya nilang bumili ng mga karagdagang makinarya para sa nalalapit na eleksyon.
Batay sa plano ng COMELEC ay nasa at least 20, 000 na mga VCM ang dapat na ma-procure bilang additional sa mga lumang gagamiting VCM para sa 2022 polls.
Sinabi naman ni Cascuejo na kasama na sa kanilang 2021 Budget ang para sa mga VCM dahil kailangan nang simulan ang customization ng mga machines sa buwan ng Marso 2021.
Suportado naman ni Sen. Risa Hontiveros ang budget hike para sa COMELEC, lalo pa aniyang dapat tiyakin na hindi magiging virus spreader ang eleksyon.
Wika nito na dapat lamang na ma-reduce ang mga botante sa kada presinto para sa mga dapat na maipatupad na health protocols gaya ng social distancing.
Ang dagdag pondo ay pa rin aniya sa transition sa online registration mula Enero 2021 hanggang Setyembre 2021 bilang parte ng pag-iingat laban sa pandemya.
“We have to find the safest and most efficient option to retain the integrity of our elections. Hindi dapat maging opportunity ang pandemya para gumawa ng kalokohan,” ani Hontiveros.
Si Sen. Franklin Drilon naman ay inatasan ang COMELEC na magpadala ng konkretong plano para mapataas ang bilang ng overseas voters registration and participation sa 2022 elections.
Napag-alaman naman sa pagdinig na mula sa 1.822,173 na mga registered voters overseas ay nasa 18.46 percent o nasa 336,447 lamang ang nakilahok noong 2019 midterm elections.