Ni Vic Tahud
NAKALULUNGKOT! Ito ang inihayag ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa preventive suspension na inilabas ng Ombudsman sa limang opisyal ng ahensya.
Ito ay matapos maituro ang mga ito bilang responsable sa matagal na pag-release ng financial aid sa mga health workers.
“Alam niyo, lungkot na lungkot po kami, that at this time of the pandemic, na nagkakaroon po tayo ng mga ganitong sitwasyon. But of course, ang sabi nga natin, ang Kagawaran ng Kalusugan po, lagi po kaming bukas sa anumang mga imbestigasyon na gagawin at kung ano po ang kailangan ay tayo po ay mag-aabide dito po sa mga proseso ng gobyerno,” wika ni Vergeire.
Hiling ng ahensya, mapabilis ang pagresolba ng kaso at magkaroon na ng resolusyon at mapatunayan na walang sala ang mga opisyal.
Ani Vergeire, ang preventive suspension ay hindi penalty at ito ay proseso upang maging patas ang imbestigasyon sa loob ng ahensya.
Dagdag nito, hindi pa napatutunayan na sila ay may kasalanan.