PINAS TEAM
TUMANGGAP ng seasonal influenza vaccine si Health Minister Park Neung-Hoo upang siguruhin ang publiko na ligtas ang nasabing bakuna.
Si Park ang ikalawang ministro ng bansa na tumanggap ng flu shot kasunod ni Prime Minister Chung Sye-Kyun na nagpaturok ng flu vaccine sa isang community health center sa Sejong noong Oktubre a-beinte-uno.
Kaugnay nito ay muling nagpaalala si Park sa kahalagahan ng pagpapabakuna laban sa seasonal flu habang dumadalo sa regular na briefing sa Central Disaster and Safety Counter Measure Headquarters.
Binigyang-diin din ni Park na walang kaugnayan ang pagkasawi ng ilang South Koreans sa flu vaccination na tinanggap ng mga ito.
Pinaalalahanan din ng health minister ang matatandang mamamayan na magpa-check-up muna bago tumanggap ng flu shot upang masiguro na nasa malusog na kondisyon ang mga ito.