Ni Kristine Joy Labadan
KUNG hindi mo nakahiligan ang pag-aaral ng kasaysayan noong ikaw’y nag-aaral pa o di naman kaya’y hindi mo pa rin ito gusto ngayong estudyante ka pa lamang, oras na para tuklasin ang mga rason kung bakit dapat matuto ng kasaysayan at kung paano nito mahuhulma ang ating kinabukasan.
- ARALIN ANG TAKBO NG LIPUNAN
Ito na marahil ang pinakaimportanteng rason para pag-aralan ang kasaysayan. Ang mga pangyayari at mga taong bumuo ng ating mga tinatamasa ngayon ay malaki ang halaga. Paano natin maiintindihan ang lipunan ngayon kung hindi natin batid kung paano ito nagsimula?
- INTINDIHIN ANG PAGBABAGO
Sa pag-aaral ng lipunan, pinapahintulutan tayo nitong tingnan ang mga bagay na naging sanhi ng pagbabago. Binibigyan tayo ng oportunidad ng pag-aaral ng kasaysayan upang makita kung paano nagbabago ang pang-araw-araw na buhay sa paglipas ng maraming taon.
- PAG-PRESERBA NG MGA KWENTO
Mahalagang makinig tayo sa mga kwento ng mga taong nauna sa atin. Importanteng panatilihin nating maipapasa pa sa mga susunod na henerasyon ang mga kwentong kapupulutan ng maraming aral ng mga tao.
- ISISIWALAT SA ATIN ANG MGA BABALA
Katulad ng Holocaust na naganap noon, natutunan na ng mga tao sa iba’t-ibang bansa ang mga sanhi kung paano humantong ang mga pangyayari sa karumal-dumal na parte ng kasaysayan. Dahil dito, sa oras ang mga babala ay muling nakikita sa kasalukuyan, ang mga tao’y natututo nang lumaban. Ang pagtuklas sa mga pangyayaring humahantong sa mga malaking okasyon ay nakakatulong sa atin upang mas mahulaan at maimpluwensyahan ang ating hinaharap.
Ang kasaysayan ay isang higanteng kwento na humahantong sa kwento natin. Naglalarawan ito ng buhay ng mga taong nabuhay noon at makakatulong sa pag-intindi at paghulma ng mundo sa paligid natin.