Ni Pat Fulo
TULOY na tuloy na ang pagtatayo ng Safe Philippines National Command and Control Center (SafePh NCCC) sa lungsod ng Marikina.
Pumirma na ang lokal na pamahalaan ng Marikina ng kasunduan sa Department of the Interior and Local Government (DILG) kasama ang Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management (BJMP) para sa itatayong pasilidad.
Dahil dito, pinasalamatan ni DILG Sec. Eduardo Año, ang Marikina LGU sa pakikipagtulungan nito sa national government para mas mapaigting ang pagbabantay sa seguridad at kaligtasan ng publiko.
Sa ilalim ng 20-year Usufruct Agreement na ito, magtatayo ng BFP ng BF-National Capital Region (NCR) Regional Office, Marikina Central Fire Station, BFP Training Center at museum sa lungsod. Habang isang jail facility naman ang itatayo ng BJMP sa Marikina.
Ang Safe Philippines ay isa sa mga priority projects ng administrasyon na layong matugunan ang problema at banta sa seguridad ng bansa.