Ana Paula A. Canua
AYON sa pag-aaral na pinangunahan ng University of Pittsburgh Center for Research on Media, Technology and Health na tinawag na Computers in Human Behavior, natuklasan na ang labis na pagkahumaling sa mga social media platforms na Facebook, Youtube, Twitter, Google Plus, Instagram, Snapchat, Reddit, Tumblr, Pinterest, Vine, and linkedin ay nagdudulot ng depression at anxiety sa mga kabataan pati na rin sa mga young adults.
Isa sa mga itinuturong dahilan kung bakit nagdudulot ng depression ang social media ay dahil sa dala nitong ‘standards’ o pamantayan. Pangunahing pamantayan na itinuturo ng social media ay ang ‘beauty standards’ at ‘social standards’. Matapos mag-post, ang dami ng likes, comments at followers ang magtatakda ng self-confidence at kasikatan ng isang tao. Sa kabilang banda hindi lamang papuri ang maaaring makita online, nariyan ang mga bastos at mapanirang komento.
Dahil lubos ang ating kalayaan online, malaya rin ang mga ‘trolls’, ‘bashers’ na magbahagi ng galit, inggit at takot sa kahit sino. Imbes na mapalapit tayo sa isa’t isa ng social media ito pa ay nagdudulot ng kasiraan, lungkot, stress at ang pinakamalala pa nito ay depression.
Nagdadala ito ng inggit
Ang inggit ay natural lamang sa isang tao, ngunit mas pinapalala ito ng social media. Hindi maiiwasan na makaramdam lalung-lalo na ang mga kabataan ng pagkukumpara sa sarili sa tuwing nakakakita ng maraming ‘posts online’ ng #vacation, #woke up like this at #goals. Kahit hindi natin intensyon na mainggit, nakukumpara natin ang ating sarili sa ating nakikita online. Ayon sa parehong pag-aaral ng University of Pittsburgh, sinabi nito na “This magnitude of envy incidents taking place on FB alone is astounding, providing evidence that FB offers a breeding ground for invidious feelings, envy mediates the Facebook-depression link. That is, when envy is controlled for, Facebook isn’t so depressing. So it may be the envy that’s largely to blame in the depression-Facebook connection”.
Ang pagkukumpara sa sarili at sa nakikita online ang pangunahing itinuturong dahilan ng depression. Ang pakiramdam na napag-iiwan at walang natutupad na #goals ay nagdadala ng malalang lungkot, pressure at pakiramdam na mag-isa. Kritikal ito lalung-lalo na sa mga kabataan na hindi pa lubos nahuhubog ang pagkatao at pagkakakilanlan sa sarili.
Virtual friends vs Real friends
Ang pagkakaroon ng maraming friends at followers online ay hindi nangangahulugan ng pagiging ‘sociable’, dahil hindi matutumbasan ng likes, comments at chats ang personal na komunikasyon at interaksyon.
Ayon sa mga eksperto ng sikolohiya at sosyolohiya kumpara sa mga naunang henerasyon, ang Millennial generation ay hirap pagyamanin ang kanilang social skills dahil mas komportable silang makipagtalakayan online.
Malaking bagay na magkaroon ng mga kaibigang makakausap. Ang pagkakaroon ng mga taong sumusuporta at nagmamahal sa iyo ay napakahalaga upang maipagpatuloy mo ang magandang pananaw sa buhay.
Tandaan na ang ang followers at online friends ay virtual lamang ibig sabihin ito ay digital na basehan lamang, ang tunay na sukatan ay ang mga taong tunay na inalala ang kapakanan mo, ang mga taong nagpaparamdam ng tunay na saya at pagmamahal na hindi kinakailangang gumamit ng ‘like o heart emoji’.
Sintomas ng depression
Ang depression ay lubhang nakakabahala. Nakakatakot isipin na maaring dumadanas sa depression ang iyong kapamilya o kaibigan nang hindi mo ito namamalayan kaya narito ang mga sintomas; kawalan ng pag-asa, kawalan ng interes sa pang-araw-araw na gawain, madalas magkulong sa kwarto, iritableng mood, pagpayat o pagdagdag ng timbang, napapabayaan ang sarili, kawalan ng hygiene, insomnia o hypersomnia, fatigue o kawalan ng energy, kawalan ng halaga sa sarili, excessive guilt, kawalan ng konsentrasyon, hirap magdesisyon, nagdudulot din ito ng pisikal na epekto gaya ng madalas ng pagsakit ng ulo, sakit ng tyan at pagsusuka. Kasama rin sa mga sintomas ang madalas mapag-isa at ang pinakanakakabahala ay ang pag-iisip na kitilin ang sariling buhay. Ang depression ay hindi lamang dahil sa environmental factors at traumatic experience may kinalaman din ang kemikal at hormone na inilalabas ng ating katawan at utak, kapag hindi balanse ang mga responsableng kemikal na ito nakakaapekto ito sa ating pag-iisip na dahilan ng depression, anxiety at iba pang mental health issues.
Kung nakakaranas ng depression, makakatulong kung magtabi ng journal upang matukoy ang triggers. Paligiran din ang sarili ng mga positibong tao at bagay, at ang pinakamaganda ay lumapit sa doktor upang magpakonsulta at magkaroon ng drug prescriptions at therapy sessions. Tandaan na bahagi ng kabuuang kalusugan ang malinaw na isipan at malakas na pangangatawan.
Tamang paggamit ng Social Media
Bago madepress ang isang tao dumadanas muna siya sa serye ng matinding kalungkutan kung iyong pakiramdam na nararanasan mo na ito, mas maganda kung bawasan mo ang oras na ginugugol online. Maaring pagtuunan ng pansin ang pagdevelop ng bagong hilig, makakatulong ang mga gawaing nagrerequire ng lubos na atensyon gaya ng pagguhit, pagkukulay o pagpipinta, pagsusulsi, pananahi, pagbabasa, at marami pang iba, magdiskubre ng mga bagong interes.
I-unfollow o i-unfriend ang nagdadala ng stress at inggit. Alisin sila sa inyong feed.
I-follow ang masasaya at nagbibigay sa inyo ng kasiyahan gaya ng animal videos, kitchen at life hacks o ‘di kaya mga nakakatawang komiks.
Kung sa palagay ninyo lumalala ang mga sintomas ng depression, maigi na magdeactivate na lamang muna sa social media. Maaring magsocial media detox o ang 30 araw na pagiging offline. Sabihan ang pinakamalalapit na kaibigan sa desisyon na sa text o personal ka na lang nila maaring makausap.