Ni MJ Mondejar
IGINIIT ng Malakanyang na hindi exempted ang mga mambabatas, senador man o kongresista, sa imbestigasyon ukol sa isyu ng korupsyon.
Ito ang sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque lalo pa’t makikitang may bahid ng katiwalian ang mga ito.
Una nang ipinag utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay Justice Secretary Menardo Guevarra ang pag iimbestiga sa korupsyon sa lahat ng ahensya ng gobyerno.
Inihayag ni Roque na bagama’t may immunity ang mga mambabatas, hindi pa rin aniya makalulusot ang mga ito oras na makitaan ng paglabag sa Anti-Graft Law.
Dagdag pa ni Roque, walang hiwalay na ahensyang nagsasagawa ng imbestigasyon sa katiwalian sa Kongreso, kaya saklaw ng Department of Justice (DOJ) na ipatupad ang batas kahit sino pa ang mga ito.
Mababatid na binigyan ng direktiba ni Pangulong Duterte ang DOJ na pangunahan ang Multi-Agency Task Force upang imbestigahan ang anumang korupsyon sa lahat ng government agencies sa gitna ng lumalalang katiwalian sa bansa.
Samantala, plano ni Secretary Guevarra na bumuo ng ilang strike forces na maging katuwang niya sa harap ng utos ng Pangulo.
Bukas naman si House Speaker Lord Allan Velasco na maimbestigahan ang umano’y corrupt na mga kongresista.
Pagtitiyak ni Velasco, katuwang ng punong ehekutibo ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa isinusulong nitong pagsugpo sa korupsyon sa gobyerno.
Una nang binigyang diin ng Pangulo na igugugol niya ang natitirang panahon ng kanyang termino sa pagsupil sa mga corrupt government official o katiwalian sa ilalim ng kanyang administrasyon.