Ni MJ Mondejar
WALA umanong nilalabag sa Konstitusyon si Speaker Alan Peter Cayetano matapos ang hakbang nito na i-terminate ang budget deliberation at aprubahan sa ikalawang pagbasa ang 2021 General Appropriations Bill o ang P4.5 trillion na 2021 National Budget.
Nagpaliwanag ang kampo ni House Speaker Alan Peter Cayetano matapos ulanin ng batikos sa plenaryo.
Ito ay matapos lampasan ang period of amendments and debates para sa 2021 proposed national budget at ipasa ito sa second reading.
Nagmosyon din sa Cayetano na suspendihin ang sesyon hanggang November 16 at doon na lamang ipasa sa 3rd and final reading ang budget bill.
Paliwanag dito ni Deputy Speaker Neptali Gonzales, nakabatay sa section 55 ng house rules ang ginawa ni Cayetano at hindi ito labag sa batas.
At kahit pa maipasa nila sa third and final reading ang budget bill ngayong October 14, kailangan pa rin daw ng mahabang panahon para sa printing ng budget bill bago ito maitransmit sa Senado kaya sakto lamang ang hakbang.
Tiniyak din ni Gonzales na hindi mababalam ang pagsasabatas sa pambansang pondo dahil on-track parin ang Kamara sa kanilang target.
Samantala, binatikos naman ng kampo ni Cayetano ang balak na pag-reconvene ng kampo ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco upang matuloy ang botohan sa speakership sa October 14.
Ayon kay Gonzales, ang paghalal ng speaker ay isinasagawa sa plenaryo ng Kamara kaya kinuwestyon nito kung saan sila magsasagawa ng pulong at botohan.
Hamon naman ng kampo ni Cayetano, sa numero na lamang sila magtutuos kung magkakaroon ba ng palitan sa liderato.