Ni Vhal Divinagracia
WALA pang pinal na desisyon kaugnay sa pagbibigay ng 13th month pay ayon kay Associated Labor Unions- Trade Union Congress of the Philippines o ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay sa panayam ng Sonshine Radio.
Sinabi niya na patuloy pang pinag-aaralan ang nasabing paksa kahit nakapag-meeting na kahapon ang employers at labors groups kasama ang Department of Labor and Employment o DOLE.
Ibinahagi ni Tanjusay na kung sakaling hindi kakayanin ng mga small and micro businesses ang pagbibigay ng 13th month pay ay pauutangin sila ng pamahalaan para lang maibigay ito.
Naiintindihan naman aniya ng labors and employer’s groups ang kasalukuyang sitwasyon at ang nakasaad sa batas na Presidential Decree 851 kaugnay sa 13th month pay para sa mga manggagawa ng private companies.
Sa panig naman ng ALU-TUCP, nilinaw ni Tanjusay na makasisiguro ang lahat ng mga empleyado sa ilalim ng mga kumpanyang kaanib ng grupo na mabibigyan sila ng kanilang mga 13th month pay.