Ni Arjay Adan
IKINABABAHALA ni opposition Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang pagpasok ng milyun-milyong Chinese nationals sa bansa na maaari aniyang pagsimulan ng “orchestrated soft invasion” ng China.
Sa isang proposed resolution, nagpatawag si Pangilinan ng inquiry sa national security implications sa bansa dahil sa pagpasok ng nasa apat na milyong Chinese nationals sa Pilipinas simula taong 2017. Aniya, nakababahala ito lalo na’t mayroong isyu ang bansa sa China kaugnay sa West Philippine Sea.
Ang proposed inquiry ni Pangilinan ay nagmula sa pagkakatuklas ng Senate Committee na ang ilang korap na opisyal ng Bureau of Immigration ang nagpapayag sa madaling pagpasok ng nasa apat na milyong Chinese nationals kapalit ng bilyun-bilyong pisong halaga ng suhol sa pamamagitan ng iba’t ibang raket.
Base sa estimasyon ni Panel Chair, Sen. Risa Hontiveros, nasa 40 bilyong piso ang natanggap ng mga opisyal dahil sa mga raket na ito.