Ni Pat Fulo
INAASAHANG ngayong linggo darating sa Metro Manila ang karagdagang suplay ng baboy at frozen pork products mula sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay Department of Agriculture Sec. William Dar, magmumula ang mga shipments ng baboy sa mga probinsya ng Cebu, Iloilo, Leyte, Davao, General Santos at Cagayan de Oro.
Layon nito na matugunan ang kasalukuyang mababang suplay at pagtaas ng presyo ng mga pork product sa pampublikong pamilihan sa Metro Manila at ilan pang bahagi ng Luzon.
Tinatayang nasa 27,000 hanggang 30,000 na piraso ng baboy ang target na weekly shipment ng ahensya mula Visayas at Mindanao patungo Luzon hanggang sa Disyembre ngayong taon.
Mayo nang nagsimula ang naturang hakbang alinsunod sa kasunduan ng DA at hog industry.