Ni Arjay Adan
MASYADONG maliit ang limang bilyong pisong pondo para sa rehabilitasyon ng Marawi City sa ilalim sa Proposed 2021 Budget ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon.
Sa ginanap na senate plenary budget deliberation, sinabi ni Drilon na ang nakalaang budget para sa rehabilitasyon ng lugar mula sa pag-atake ng terorista noong 2017 ay kapos ng 50 bilyong piso.
Base sa estimasyon ng mga opisyal, kakailanganin ng nasa 60 bilyong piso ang muling pagsasa-ayos ng Marawi ngunit giit niya, tanging 11 bilyong piso lamang ang inilabas ng pamahalaan para sa proyektong ito.
Dagdag niya, naglaan lamang ang pamahalaan ng 3.5 bilyong piso para sa proyekto ngayong taon at limang bilyon naman sa susunod na taon at tanging umaasa lamang sila sa mga donasyon at official development assistance upang pondohan ang rehabilitasyon.
Sa huli ay sinabi ni Drilon na layon ng pamahalaan na tapusin ang rehabilitasyon ng Marawi sa Disyembre ng taong 2021.