Ni MJ Mondejar
INIHAIN sa Kamara ang proposed Bayanihan III na layong dagdagan ang pondo ng gobyerno para tugunan ang kalamidad at sa COVID-19 pandemic na patuloy na nagpapahirap sa mga Pilipino.
Sa ilalim ng House Bill No. 8031 o Bayanihan to Arise as One Act ni Marikina Rep. Stella Quimbo, pinadaragdagan nito ng P400- Billion ang pondo para sa Social Amelioration Program, at rehabilitasyon sa mga lugar na binayo ng nagdaang mga bagyo.
Gagamitin din ang pondo para asestihan ang mga infra project, at mga programa para matiyak na makakabawi ang ekonomiya ng bansa.
Sa ilalim din ng panukala, pinabubuo ang National Economic Development Authority o NEDA ng long term plan bilang paghahanda sa paparating na mga pandemya, sakuna, trahedya at sama ng panahon.
Pinabubuo rin ang NEDA ng Flood Management Master Plan para sa Metro Manila at mga karatig lugar para mapag-ibayo pa ang risk reduction and resilience sa bansa.
Sakop din ng panukala na magkaroon ng cash-for-work program, emergency subsidies, at iba pang mga programa sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.
“Mas pinalala pa ngayon ng Bagyong Ulysses ang problema ng pandemya. Daan-daan ang namatay at nasaktan, libo-libo ang inilikas, bilyon-bilyon ang halaga ng mga nasirang bagay.”
Ayon din kay Quimbo, malaking tulong ang magagawa ng proposed Bayanihan III para makabili ng bagong rescue boats para sa panahon ng baha.
Titiyakin din ng panukala na magiging sapat ang pondo sa mga kritikal na programa at tama ang plano para sa mas matatag na ekonomiya.
“Malaki po ang itutulong ng Bayanihan III sa pagbangon ng bansa – dagdag at mas matibay na mga programang may halagang 400 billion pesos. Rescue boat ito sa Pilipinong binabaha ng krisis. Sisiguruhin ng Bayanihan III na sapat ang pondo para sa mga kritikal na programa at tama ang plano para sa mas matatag na ekonomiya.”
Sa ilalim din ng Bayanihan III, matitiyak nito na magkakaroon ng sapat na budget para makabili ng bakuna kontra COVID-19.
Bukod sa mga nabanggit na programa, nais din ng Bayanihan III na palawigin ang bisa ng Bayanihan to Recover as One Act o ang Bayanihan II lagpas ng Disyembre ngayong taon.