Ni Vic Tahud
NILAGDAAN na ng Department of Health ang joint administrative order kasama ang Department of Trade and Industry para sa standard price range ng Real-Time Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction Test.
Ito ang ibinahagi ni DOH Sec. Francisco Duque III sa regular media forum ng ahensya.
“Ang DOH at ang DTI ay lumagda sa isang joint administrative order setting the procedure for the imposition of price range for COVID-19 RT-PCR testing conducted by hospitals, labs and other health establishments.”
Ani Duque, ito ay magiging epektibo sa lalong madaling panahon at oras na ito ay malathala na sa mga pahayagan.
Dagdag pa ni Duque, ang price range na ipapalabas ng DTI at DOH ay upang masiguro na hindi naaabuso ang mga consumer.
Ang presyo ng RT-PCR para sa pampublikong laboratoryo ay nagkakahalaga ng P3, 800 habang ang pampribadong mga laboratoryo naman ay maaring maningil mula P4,500 hanggang P5,000.
Paalala naman ni Duque sa publiko, huwag magpaka-kampante at patuloy na sumunod sa minimum health standards para hindi mahawaan ng COVID-19.