SADYANG hindi matatawaran ang nagagawa ng teknolohiya, partikular na ng Internet, sa modernong pamumuhay ng tao sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sa katunayan, mahirap lalo na sa mga kabataan na mai-larawan ang isang mundo kung saan walang Google, walang social media at email. Isipin mo nalang ang mundong walang mga online games sa maliit mong cellphone na bitbit kahit saan. Isipin mo na lang ang mundong para makunan mo ang isang okasyon katakot-takot na paghahanda at di mo pa maikita aga-agaran ang iyong mga pics at video.
Sadyang pinaliit na ng teknolohiya ang mundo at nawala na ang mga barriers sa pakikipag-ugnayan sa magkakaibigan at lalo na sa mga kapamilya. Napapasok mo na rin ang daigdig ng iyong mga hinahangaang artista at celebrity.
Salamat sa makabagong teknolohiya, ang mga kaibigan at mahal sa buhay ay one click away na lang. Hindi na kailangan ang sumulat o magpadala ng telegrama o magbayad ng napakamahal na long distance para makausap ang mahal sa buhay at kaibigan na nasa ibang panig ng daigdig. Ang virtual time ay nagiging real time na rin dahil sa teknolohiya.
Sabi nga ng mga dalubhasa, ang daigdig ay nagmistulang isang global village bago pa man sumapit and bagong milenyo.
Subalit sa patuloy na pag-unlad ng mga makabagong teknolohiya at hatid nitong benepisyo sa sangkatauhan, dala dala rin nito ang kaakibat na panganib sanhi ng isang simpleng katotohanan: Ang utak ng tao ay likas na sensitibo. Ito ay madaling nababanat o nahuhubog, patuloy na nade-develop, mula sa pagkabata hanggang sa pagtanda. Naapektuhan ito ng mga stimulants sa kapaligiran at dahil blurred na ang lines na naghihiwalay sa tunay na realidad at sa virtual reality, higit na lumalakas ang pressure sa utak ng mga tao.
Ayon sa neuroscientist at mananaliksik na si Susan Greenfield mula sa Oxford University, ang mga electronic devices ay may malaking epekto sa micro-cellular na istraktura at kumplikadong biochemistry ng utak, at ito ay nakakaapekto sa personalidad, sa pag-uugali, at sa mga katangian ng isang tao. Sa madaling salita, maaaring baguhin ng makabagong daigdig ang pagkakakilanlan ng isang tao.
Ipinahayag ni Greenfield ang pag-aalala sa panganib na dala ng social networking kung saan maaaring mahalinhan ang totoo at tunay ng isang exaggerated at mas perpektong bersyon ng sarili, at ang pagpapalala nito ng narsisismo.
Kamakailan, nagsagawa ang Gallup, isang American analytics and advisory company, ng survey kung saan natukoy nito na mahigit sa 50 porsiyento ng smartphone users sa US ang tumitingin sa kanilang mga mobile devices ng ilang beses sa isang oras o higit pa, samantalang 63 porsiyento naman ang hindi kayang mahiwalay sa kanilang mga gadgets kahit sa oras ng pagtulog. Karamihan sa mga ito ay mga kabataan.
Base sa pag-aaral, narito ang ilan sa mga paraan kung paano naaapektuhan ng modernong teknolohiya ang utak at pag-uugali ng isang tao.
Mas maikling attention span at mas madaling pagkagambala.
Sa nakalipas na maraming taon, bago pa dumagsa ang mga iPhone, iPad at iba pang mga gadget, ang attention span ng isang average na tao ay umabot hanggang 12 segundo. Ngayon, ayon sa pananaliksik, umaabot nalang sa walong segundo, mas maikli pa kaysa sa attention span ng isang average na goldfish na siyam na segundo.
Mahirap makapokus sa isang gawain kapag marami ang distraksyon sa paligid lalo na’t halos araw-araw ay may mga bagong uso ang naglilipana, mga viral videos at memes, at mga bagong mensahe na dumarating na kadalasan ay wala namang saysay.
Ang pagkakagambala dulot ng teknolohiya ay nakakaapekto sa relasyon, sa pagiging produktibo, sa pagkamalikhain at kakayahan ng isang tao na matuto ng bago.
Mas nagiging makakalimutin
Ayon sa pag-aaral, mas maraming mga millennials ang mas makakalimutin na ngayon kumpara sa mga matatanda. Ito ay nai-uugnay sa sobrang paggamit ng makabagong teknolohiya.
Upang matandaan ang isang bagay, kailangang mailipat ang nasagap na impormasyon mula sa working memory o conscious mind sa pangmatagalang memorya, at ito ay nakasalalay sa pagiging attentive ng isang tao.
Dahil sa patuloy na pagkuha at pagtanggap ng bagong impormasyon, mas maikli ang sandaling mai-proseso ito at maipasok sa memorya.
Ayon kay Professor Michael Saling, neuropsychologist mula sa University of Melbourne at Austin Health, kapag nagkaroon ng information overload ang utak, mas nagiging makakalimutin ito.
Sa ibang senaryo naman, kadalasan ina-outsource na lamang ang memorya sa Google, GPS, at calendar alerts, kung kaya’t sa sandaling magloko ang gadget, mawawalan din ng access sa isinantabing impormasyon dahilan upang makalimutan ito.
Mas nababawasan ang kakayahang makisalamuha o makipag-ugnayan ng harapan sa kapwa tao
Sa panahon ngayon, mas marami ang umaasa sa mga emojis at 180 characters upang maipahayag ang kanilang mga saloobin. Mas pinipili ng marami ang makipag-ugnayan online kaysa sa makipag-usap ng harapan. At sa halip na sabihin ang saloobin, umaasa sa gifs o kaya sa mga readymade cards, emoji at stickers na naa-access sa isang click lamang.
Ang katotohanang ito ay mas masaklap para sa mga batang lumalaki sa digital age. Ayon sa pananaliksik, ang mga gumugugol ng maraming oras sa harap ng screen sa halip na makisalamuha sa iba, ay nakararanas ng kawalan ng kakayahang makiramdam at makabasa ng iba’t ibang social cues nang maayos, kagaya ng facial expression, body language at iba pa.
Base sa isang eksperimentong isinagawa ng manunulat at mananaliksik na si Adam Alter, kung saan naatasan ang mga batang basahin ang damdamin ng isang tao sa kanilang harapan — masaya, malungkot, galit, nagugulat — batay sa mga non-verbal na cue o pahiwatig, ang mga gumugugol ng maraming oras sa harap ng computer screen ay mas nahihirapan na maunawaan ang isang emosyon kumpara sa mga bata na gumugugol ng mas maraming oras sa tunay na mundo.
Habang ang teknolohiya ay may hindi mabilang na mga benepisyo, mayroon din itong ilang mga kailangang pag-ingatan.
Ang pinakamahusay na paraan upang magkaroon ng isang balanseng buhay at pagaanin ang ilan sa mga negatibong epekto ng teknolohiya ay ang pagkakaroon ng disiplina sa paggamit nito.
Isantabi ang mga electronic devices at gadgets ng ilang oras bawat araw. Ibaling ang atensyon sa mga pisikal na ehersisyo katulad ng yoga, swimming, o jogging at pati na rin sa pagme-meditate, at higit sa lahat magkaroon ng tunay at harapang ugnayan sa kapwa. Ito ay makakatulong na mamuhay sa kasalukuyan, mai-recalibrate ang utak, at mapabuti ang kabuuang kondisyon ng pamumuhay.