Ni Champaigne Lopez
ANG pagtulong sa kapwa ay bukal sa kalooban at pagpapakita ng pagkukusa, dahil ito ay walang hinihintay na kapalit.
Masarap sa pakiramdam lalo na kung bakas sa mga ngiti ng iyong natulungan ang kanilang pasasalamat at kaligayahan.
Ayon sa isang paniniwala ng mga Chinese, “If you want happiness for an hour, take a nap. If you want happiness for a day, go fishing. If you want happiness for a year, inherit a fortune. If you want happiness for a lifetime, help somebody.”
Ang kaligayahang panghabang buhay ay sa paraan ng pagtulong, dahil sa ganitong paraan, tayo ay magiging positibo sa buhay na makakapagbigay sa atin ng lakas sa araw-araw upang magpatuloy.
Ayon sa isang pag-aaral, ang pagtulong ay hindi lang masarap sa pakiramdam kundi makabubuti rin sa ating kalusugan. Dahil kung tayo ay parating nakakatulong tayo rin ay parating masaya at dahil dito mababawasan ang sanhi ng ating depresyon, nagpapababa ng presyon ng dugo at malaki ang magagawa upang humaba ang ating buhay.
Maraming paraan upang makatulong kahit sa mga maliit na bagay lamang tulad ng simpleng pag ngiti sa ating mga nakakasalubong kahit pa hindi natin ito kakilala. Dahil maaring may pinagdadaanan sila at sa sobrang dami ay limot na nila paano ngumiti kaya’t sa ganitong paraan mapapagaan mo ang kanilang araw.
Maari ka ring mag-volunteer sa mga charities at foundation. Maari mong i-donate ang iyong mga lumang gamit tulad ng damit at libro na hindi mo na ginagamit upang ito ay mapakinabangan pa ng ibang tao.
Ang simpleng pagbibigay din ng pagkain sa mga pulubi ay malaking tulong pantawid sa kanilang gutom. Sa buong araw nila sa kalsada ay tiyak na kumukulo na ang kanilang sikmura.
Ang pamamahagi ng positibong pananaw sa ibang tao, ay makakatulong upang siya ay makaramdam din ng kaginhawaan at maging maaliwalas ang pananaw sa buhay.