Ni Claire Robles
TINIYAK ni Energy Secretary Alfonso Cusi na maibabalik sa loob ng dalawang araw ang suplay ng kuryente sa buong lalawigan ng Cagayan kapag humupa na ang baha.
Ayon kay Cusi, sa lungsod ng Tuguegarao ay naibalik na ang kuryente sa 27 mula sa 385 na mga barangay na sinerbisyuhan ng CAGELCO 1 Electric Cooperative.
Samantala, hinihintay na lang ng CAGELCO 11 ang hudyat mula sa National Grid Corporation of the Philippines para ibalik na ang kuryente sa sinusuplayan nitong lugar.
Nilinaw naman ni Cusi na sakaling humupa na ang baha, tatapusin nila sa dalawang araw ang pag-inspeksyon para maibalik na ang suplay ng kuryente sa lalawigan.
Matatandaan na malawak ang naging baha sa Cagayan dahil sa pagpapalabas ng tubig ng Magat Dam bukod pa sa lakas ng ibinuhos na ulan sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Ulysses na ikinasawi ng dalawampu’t dalawang katao sa lalawigan.