Ni Margot Gonzales
IGINIIT ni Sen. Christopher Bong Go na bagamat may karapatan ang mga estudyante na magpahayag ng kanilang saloobin at pumuna sa pamahalaan ay wala aniyang karapatan ang mga ito na pabagsakin ang gobyerno.
Aminado si Senator Christopher Bong Go na karapatan ng lahat ng mga mamamayang Pilipino kabilang ang mga estudyante na magsalita at pumuna dahil sa umiiral na demokrasya sa bansa.
Pero agad nitong nilinaw na walang karapatan ang sinuman na pabagsakin ang gobyerno.
Sinabi ni Go na dapat igalang ng bawat isa ang gobyernong piniling iboto ng mayoryang Pilipino at hintayin na lang na matapos ang termino ni Pangulong Rodigo Roa Duterte sa 2022.
Una nang iginiit ni Go na hayaan ang administrasyon na gawin ang trabaho nito sa sambayanan dahil tanging hangad lang naman nila ni Pangulong Duterte na mapabuti ang buhay ng sambayanan.
Matatandaan na 500 na estudyante mula sa Ateneo ang nagbanta ng academic strike bilang paraan ng pagprotesta laban sa Pangulo.