PINAS TEAM
NANANAWAGAN ngayon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga Local Government Units ng National Capital Region (NCR) na saklolohan ang mga lungsod at isa na dito ang Marikina na nakararanas ng mataas na pagbaha sanhi ng Bagyong Ulysses.
Sa virtual meeting ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaninang umaga ay ipinag-utos ni MMDA Chairman Danilo Lim sa mga hindi masyadong naapektuhan na mga LGUs na tulungan ang ibang local government units na lubos na apektado ng bagyo lalo na umano ang lungsod ng Marikina.
Sinabi pa ni Lim na nagpadala na ang NDRRMC ng rescue operations sa Marikina para sa mga residente na na-istranded sa kanilang mga bahay. Kabilang dito ang dalawang rubber boats habang nakabantay naman ang isang dump truck sa Katipunan-Aurora staging area.
Samantala nasa 692 na MMDA personnel ang ipinakalat sa iba’t-ibang bahagi ng Metro Manila para sa Typhoon ‘Ulysses’ operations.
Magpapadala rin ang ahensya ng mga ambulansya, rubber boats, truck-mounted cranes, backhoes, water pumps, at rescue equipment sa iba’t-ibang bahagi ng Metropolis.
Pinaalalahanan naman ni Lim ang publiko na mag-ingat at humingi ng tulong sa mga LGU para sa agarang paglilikas.
Habang ang MMDA naman ay naka red alert na ang mga tauhan nito simula pa kahapon upang paghandaan ang pagdating ng bagyo.