Ni Karen David
TUTOL ang Commission on Higher Education (CHED) sa panawagan na nationwide at Luzon-wide academic break.
Lumabas ang panawagan na academic freeze matapos ang magkakasunod na bagyo na tumama sa bansa noong nakaraang mga linggo na nakaapekto sa pag-access ng mga estudyante sa edukasyon bunsod ng pagkawala ng kuryente, internet connection at pagkasira ng maraming bahay at ari-arian.
Ayon kay CHED Chairperson Prospero de Vera, magkakaiba ang epekto sa iba’t ibang paaralan at pamilya ng kalamidad.
Kaya nasa colleges at unibersidad na aniya ang desisyon sa pagpapatupad ng academic breaks o suspensyon ng klase.
Sinabi rin ni De Vera na hindi magandang polisiya ang ‘unilateral suspension” dahil hindi aniya sila maaring magsagawa ng unilateral decision na hindi nakabase sa kung ano ang nangyayari sa ground.