Ni Arjay Adan
BINALAAN ng National Bureau of Investigation (NBI) ang publiko laban sa talamak na bentahan ng mga pekeng coppermask sa Divisoria, social media at mga online store.
Ayon sa coppermask ph, ang kumpanyang gumagawa ng coppermask sa bansa ay dumulog na sa NBI upang balaan na rin ang publiko laban sa mga indibidwal na nagtatangkang manloko sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga pekeng mask.
Ayon sa naturang kumpanya, ang orihinal na coppermask ay may natural na antimicrobial at self-disinfecting property, may katangian ng copper o tanso na nakapaloob sa facemask.
Dagdag pa ng mga ito, ang mga pekeng bersyon ng kanilang produkto ay walang proteksyon para labanan ang bacteria o virus mula sa pagpasok sa katawan ng tao.
Sa ngayon ay nakatutok na ang ahensya sa naturang kaso at sisimulan na nilang hulihin ang mga indibidwal na nagbebenta ng mga pekeng mask.