Ni Claire Robles
UMABOT na halos sa 320,000 na bilang ng mga overseas Filipino workers (OFWs) ang napauwi ng gobyerno mula sa ibayong-dagat patungo sa kani-kanilang mga probinsya ayon sa pinakahuling ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Batay sa ulat ng Overseas Workers Welfare Administration sa DOLE, nasa 319,333 na OFWs ang napauwi na sa kanilang mga probinsya sa gitna ng pandemya.
Ayon pa sa OWWA, ang mga napauwing OFW ay pawang cleared at negatibo sa COVID-19 test.
Sinagot din ng ahensya ang gastusin ng mga OFW sa COVID-19 test pagdating ng mga ito sa Manila, maging ang hotel accommodation at ang pagkain habang naghihintay sa resulta sa kanilang pagsusuri.
Ayon sa pahayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III, tuluy-tuloy ngayon ang pagtulong ng gobyerno sa mga OFW at kasama na aniya rito ang mga livelihood program.
Patuloy rin aniya na minomonitor ng DOLE ang kalagayan ng mga OFW sa ibayong-dagat sa gitna pa rin ng nararanasang pandemya sa buong mundo.
Samantala kinumpirma ni Bello na maaari nang umalis ng bansa ang mga bagong hire na mga Pinoy o mga manggagawa sa medical sector na mayroon nang kontrata.
Ito aniya ay kasunod ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na alisin na ang deployment ban sa mga nurse at iba pang medical worker.
Matatandaan na hiniling ng mga ambassador ng Germany, United Kingdom at Italy na tanggalin ang naturang deployment ban dahil matindi ang kanilang pangangailangan ng mga Pilipinong nurses.
Maliban sa mga nurses, kasama rin sa inalis ang deployment ban ang mga medical workers, doktor, dentista at iba pa.
Gayunman, nilinaw ni Bello na nasa limang libong manggagawang Pilipino mula sa medical sector ang pinapayagang lumabas ng bansa taon-taon.