Ni Claire Robles
IDINEPENSA ni Bayan Muna Representative Eufemia Cullamat ang pagkamatay ng anak nitong miyembro ng rebeldeng New People’s Army sa halos isang oras na engkwentro sa militar sa Surigao del Sur noong Linggo.
Ayon kay Cullamat, nasa wastong gulang na ang kanyang anak para magdesisyon sa sarili at hindi nito ipinagtataka ang pagsapi nito sa NPA dahil umano sa pang-aabuso ng militar sa mga katutubo at sa kanilang paramilitary groups.
Sa pahayag ni First Lieutenant Krisjuper Andreo Punsalan, Civil Military Operation Officer ng 3SFBN, kinilala ang nasawing anak ni Cullamat na si Jevilyn Campos Cullamat Alias “Ka Reb”, 22 anyos, at miyembro ng Sandatahang Yunit Pampropaganda Platoon ng Guerilla Front 19 ng Northeastern Regional Committee (NEMRC) ng NPA.
Ayon sa siyam na mga dating rebelde na kumilala kay Cullamat, ito ay isang estudyante ng isa sa mga paaralan na nauugnay sa NPA – ang tribal Filipino program of Surigao del Sur (TRIFPSS) at ng Alternational Learning Center for Agricultural and Livelihood Development sa lugar.
Ani Punsalan, nagsagawa ng security operations ang tropa ng militar sa barangay San Isidro, Arihatag, Surigao del Sur matapos makatanggap ng report mula sa mga sibilyan dahil sa presensya ng mga armadong kalalakihan sa kanilang lugar.
Kasamang nasamsam sa engkwentro ang limang matataas na kalibre ng armas kabilang na ang tatlong AK-47 rifles, isang M14 rifle, at isang M653 5.56 caliber rifle.
Nasamsam din ang limang backpacks na naglalaman ng mga kagamitang pandigma at mga subersibong dokumento.