Ni Pat Fulo
MULING umapela ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa Department of Agriculture (DA) na magpatupad ng “quarantine first policy” upang mapigilan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF).
Giit ng SINAG, ang pag-iral ng two-stage inspection process lamang sa pagpasok ng imported agricultural commodities ay isang kataksilan sa mandato ng DA.
Ayon sa grupo, walang substitute sa full implementation ng “quarantine first policy” provision ng RA 10611 o Food Safety Act of 2013” upang matiyak ang kaligtasan ng mga imported agricultural goods.
Hinimok din ng SINAG ang ahensya na maglabas ng listahan ng lahat ng resulta ng agricultural imports mula Enero 2020 hanggang Nobyembre 2020 na sumailalim sa quarantine tests.
Dagdag pa nito, hindi naman makakaapekto ang Quarantine First Policy sa Customs Modernization and Tariff Act dahil magkaiba ito ng layon.