Ni Arjay Adan
IPAGPAPATULOY pa rin ng Professional Regulation Commission (PRC) ang ikalawang Physician Licensure Examination (PLE) ngayong taon sa kabila ng pandemya.
Ito ay parte ng layunin ng pamahalaan na masolusyunan ang kakapusan ng mga doktor sa bansa.
Base sa anunsyo ng PRC, naiintindihan nila ang matinding pangangailangan ng bansa para sa mga physician ngayong panahon ng emergency kung kaya’t ipagpapatuloy pa rin nila ang pagdaos ng November 2020 PLE.
Ang PLE ay isasagawa simula bukas, Nov. 10, 11, 15 at 16.
Sinabi rin ng PRC na oobserbahan nila ang mahigpit na health and safety protocols sa kalagitnaan ng examination gaya ng pagpapatupad ng dalawang metro sa pagitan ng mga examinees, restriction sa kanilang mga upuan at pagsusuot ng facemasks at face shields.
Dapat ding magsumite ang mga examinees ng kanilang health declaration forms kasama ang notice of admission at quarantine certificate na nagsasabing sila ay negatibo para sa COVID-19 sa kanilang araw ng kanilang examination.
Matatandaan na noong nakaraang Setyembre nang suspendihin ng PRC ang unang PLE nito para sa 2020 dahil sa COVID-19 pandemic.