Ni Karen David
EXTENDED pa ang rotational water service interruption ng Maynilad hanggang sa Linggo, Nobyembre 29.
Sa abiso ng Maynilad, kinakailangan pa nila ng karagdagang 5 araw para matapos ang pagtanggal ng sludge o putik dala ng turbid water dulot ng bagyong Ulysses sa basins ng kanilang treatment plant.
Pati na rin anila ang muling pagpapataas ng produksyon ng tubig ng kanilang planta, at pagpuno ng mga reservoir.
Ayon sa water concessionaire, dalawa sa kanilang water basins ang sludge-free na pero ang kanilang ikatlong basin ay hindi pa nalilinis.
Sinabi naman ng Maynilad na asahan ang unti-unting pag-ikli ng oras na walang tubig sa mga susunod na araw habang tuloy-tuloy ang pag-buildup ng tubig sa kanilang mga pipeline.
Patuloy din anila na mag-iikot ang kanilang mobile water tankers upang makapagdeliver ng tubig sa mga apektadong lugar.
Ngayong araw, Nobyembre 24 na sana magtatapos ang rotational water service interruption na ipinatutupad sa mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Makati, Manila, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, Quezon City, at Imus, Bacoor at Kawit sa Cavite.