Ni Karen David
PUMALO na sa 10,721 na high value targets ang naaresto mula nang magsimula ang kampanya laban sa iligal na droga ng Administrasyong Duterte noong 2016.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), kabilang sa mga naarestong high value targets ay ang 287 foreigners, 362 elected officials, 102 uniformed personnel, 445 government employees, 3,098 target listed at 751 drug group leaders at members.
Maging ang 66 armed group members, 1,035 drug den maintainers, 232 wanted listed, 18 celebrities, at 4,325 ang naaresto mula sa high impact operations.
Sa 183,525 anti-illegal drugs operations na isinagawa mula Hulyo 1, 2016, nasa 266,126 ang kabuuang bilang ng mga drug suspects na naaresto.
Sinabi rin ng PDEA na nasa 5,942 na hinihinalang drug personalities ang napatay, mas mababa kumpara sa iginigiit ng mga local at international human rights group na humigit kumulang na 27,000 na indibidwal.
Ayon din sa PDEA, nasa 20,538 barangays ang na-clear na sa iligal na droga habang 14,308 ang hindi pa.
Nasa 648 dens at clandestine laboratories naman ang nabuwag habang 46.42 bilyong piso ang kabuuang halaga ng shabu na nakumpiska sa mga operasyon.